Kaya raw insecure… VICE, IBINULGAR NA ANG BIGGEST SECRET
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | September 20, 2021

Grand reveal umano ang pagpapakita ni Vice Ganda ng kanyang buhok sa mga fans at netizens dahil sa pambabatikos ng ilan at nagtatanong kung ano nga ba ang nakatago sa kanyang papalit-palit na pagsusuot ng wig sa programang It's Showtime. Matagal na raw kasing pinagtatalunan ng ilang netizens, partikular na ng kanyang mga detractors, kung kalbo ba o panot si Vice?
Kaya naman, bumisita ang host-comedian sa Moriduart Salon na pag-aari ng kanyang kapamilya sa It's Showtime, ang Koreanong si Ryan Bang, na nag-o-offer ng hair scalp treatment.
Ipinundar ni Ryan ang kanyang Moriduart Salon noon pang December 2, 2020 at unluckily, inabutan ito ng pandemya kaya't limited capacity pa lamang ang pinapapasok sa salon. Sa kanyang pagbisita sa salon, kasama niya ang boyfriend na si Ion Perez na nagpagupit naman ng buhok.
Sa kanyang hair reveal, ipinakita ni Vice ang pagtanggal ng kanyang nakatakip na head band para ipakita sa publiko ang kanyang real hair on camera sa kanyang latest YouTube vlog.
Sinubukan ni Vice ang isa sa mga inooper na scalp treatment ng salon.
"For the very first time in history, this is the grand reveal. Ipapakita ko sa inyo ang sitwasyon o kalagayan o kondisyon ng aking anit sa kasalukuyan. So ladies and gentlemen, hold your breath, ito na siya, we will open the Pandora's Box," sabay pakita ni Vice ng mahabang buhok sa magkabilang gilid at kanyang mataas na hairline. Aminado ang It's Showtime host na ito ang dahilan ng kanyang insecurity at loss of confidence, ang pagkakaroon ng receding hairline.
"Nu’ng nararamdaman kong tumataas na 'yung hairline ko, nagbigay siya sa akin ng anxiety. Nalulungkot ako, tapos kinapitan ako ng hiya. Nahihiya akong makita ng tao na mataas 'yung hairline ko. Itinatago ko talaga siya for a time. Tapos, ayaw kong pinag-uusapan 'yung buhok ko, 'yung hairline ko. Parang sobra akong na-insecure at bumaba 'yung self-confidence ko," katwiran pa niya.
Sa parteng ito na ipinakita na niya ang tunay niyang buhok, mensahe nito sa mga bashers,
"Ewan ko ba sa mga tao, mas interesadung-interesado sila na makita ang buhok ko, hindi naman ako kalbo, mataas lang hairline ko,” na aniya pa'y what matters most kesa sa hair ay ang ganda ng ugali at ang kabutihan ng puso ng isang tao.
"Kung mabuti ang heart mo, 'yun ang pinakanagma-matter, 'yun ang may value. It's not your scalp, it's not your hairline, it's your heart."
Sa bandang huli, in-interpret nito ang sinabi ng Koreanang gumawa ng scalp treatment for Vice, na tutubo raw ang buhok nito in just eight weeks pagkatapos i-treat ang kanyang hair this weekend lang.





Comments