ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 31, 2024
Medyo lasing pala si Herlene Budol (Hipon Girl) nang rumampa sa stage sa ginanap na GMA Gala 2024.
Sobrang saya raw kasi niya dahil nandu'n lahat sa event ang mga big stars ng GMA Network, kaya napainom siya bago pa rumampa sa stage.
Mabuti na lang at may mga tumulong sa kanya at isa na rito si Barbie Forteza na kahit naka-gown ay tumakbo para alalayan siyang tumayo.
Medyo sumama lang ang loob ni Herlene dahil after the incident ay inupakan siya ng mga bashers. Drama lang daw ni Herlene ang pagkakahulog niya sa stage para makakuha ng atensiyon. Sinadya raw talaga niya ang magpahulog para mapansin ng lahat. KSP (kulang sa pansin) daw si Hipon Girl, kaya gumagawa ng eksena.
Pero, ipinakita nga ni Herlene ang kanyang mga sugat sa tuhod dahil sa kanyang pagkakahulog sa stage. Hindi naman niya gagawin na saktan ang sarili para mapag-usapan.
Well, napanood namin sa YouTube (YT) ang pagrampa ni Herlene sa stage bago siya nahulog. Kitang-kita na hindi siya komportable sa suot niyang gown at hirap siyang maglakad nang maayos.
Aminado rin si Herlene na may pagka-clumsy siya kaya natapakan niya ang dulo ng kanyang gown kaya siya nahulog sa stage.
MULING pumirma ng bagong kontrata sa GMA Network si Heart Evangelista. Napakaespesyal ng naging preparation sa kanyang contract signing na dinaluhan ng mga big bosses ng GMA-7.
Punumpuno ng mga bulaklak at sosyal na sosyal ang venue kung saan ginanap ang contract signing.
Samantalang ‘yung iba raw Sparkle artist na pumipirma ng bagong kontrata ay sa opisina lang ng GMA Network ginaganap ang contract signing.
Bukod kina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Bea Alonzo at Alden Richards, VIP ang treatment ng Kapuso Network kay Heart dahil asawa raw siya ni Sen. Chiz Escudero na Senate President na ngayon.
Well, para sa amin, wala namang connect sa pagiging asawa ng senador kung VIP ang treatment ng GMA-7 kay Heart. Deserve ni Heart na mabigyan ng importansiya dahil nagbigay siya ng karangalan sa 'Pinas nang mapansin sa mga dinadaluhang fashion events sa New York, Paris at France.
Malamang, naiinggit lang sila sa status ng buhay ngayon ni Heart Evangelista kaya siya sinisiraan sa social media.
HUMINGI na ng apology ang pamunuan ng GMA Network sa Kapuso actress na si Nadine Samonte dahil sa nangyaring insidente sa ginanap na GMA Gala 2024 kung saan kahit imbitado ay wala sa listahan ang aktres.
Pinadalhan siya ng bouquet of flowers ng network at para kay Nadine ay sapat na 'yun upang mapaglubag ang kanyang loob.
Alam naman niyang hindi intention ng GMA-7 na siya ay balewalain sa kanyang pagdalo sa GMA GALA 2024. May events coordinator na namamahala sa kabuuan ng event kasama na ang guests list. Posibleng hindi agad nakilala si Nadine na isa sa mga orig na artists ng GMA-7 at isa sa mga avengers ng StarStruck 1at kasabayan nina Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, Katrina Halili, Mark Herras, atbp..
Nakalabas na rin si Nadine Samonte sa ilang serye ng GMA Network at kasama siya ngayon sa bagong seryeng Forever Young.
Nang mag-asawa si Nadine ay hindi na siya naging aktibo sa kanyang showbiz career.
Nagnegosyo siya at pinili ang tahimik na buhay.
Pero ngayon ay muli siyang nagbabalik-telebisyon dahil may magandang offer na dumating.
NAKABILI na ng bahay sa California, USA ang mag-asawang Kris Bernal at Perry Choi. Mala-mansion ang look nito at doon sila nagbabakasyon ngayon kasama ang kanilang anak at mga yaya.
Hindi pa siya artista ay dream na ni Kris ang magkaroon ng bahay sa USA, kaya masayang-masaya siya nang makabili na ng sariling bahay doon.
It seems na gusto nang tumira ni Kris sa States. Hindi na niya nababanggit ang kanyang iniwang career sa showbiz. Nalilibang siya sa pag-aalaga sa kanyang anak at gustung-gusto niya ang ambiance sa California.
Kaya no regrets si Kris Bernal kung nag-leave man siya sa showbiz. Masaya siya sa kanyang buhay ngayon.
Comments