top of page

Kaya iniwan din ni Jake… CHIE, DAHILAN NG HIWALAYAN NI MATT LHUILLIER AT GF

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | September 26, 2025



Chie Filomino - IG

Photo: Chie Filomeno - Instagram



Follow-up ito sa naisulat namin dito sa BULGAR tungkol sa pagde-date ng aktres na si Chie Filomeno at ng businessman na si Matt Lhuillier sa Dumaguete City na dahilan ng paghihiwalay ng dalaga at ng BF na aktor na si Jake Cuenca.


Hindi lang pala si Jake ang nakipaghiwalay kay Chie kundi pati na rin ang longtime girlfriend ng kilalang personalidad sa Cebu.


Ayon sa aming source, “Nu’ng lumabas ‘yung balita tungkol kina Chie at Matt, matindi ang away ni Matt at ng girlfriend n’ya. Nalaman na ng both families. As we speak, hiwalay na sila.”


Nabanggit pa sa amin na akala ng girlfriend ni Matt ay business lang ang purpose ng pagpunta nina Matt at Chie sa Dumaguete kasi may negosyong itinayo na ipo-promote naman ng aktres.


Nagtaka ang ilang nakakita kina Matt at Chie dahil may kakaiba silang tingin sa isa’t isa at maging sa kilos ay may something.

Kaya nagmasid na ang mga Marites. 


Sabi ng aming source, “Ganoon na nga, hindi lang promo ang naganap, naging sweet na sila.”


Mukhang pabor ang mga netizens sa nangyari dahil ginamit daw ni Chie ang utak niya dahil mayaman ang ipinalit kay Jake.


Pero mas marami ang nagtanggol sa aktor na may kaya rin ito sa buhay, may pamilyang low key lang, at higit sa lahat, pinaghirapan ni Jake kung ano’ng meron siya ngayon. 

Hindi siya umasa sa mana ng magulang o ng tito-tito (grand uncle) niyang si dating MTRCB Chairman Manoling Morato (SLN).


Sa kasalukuyan ay nananatiling tikom ang bibig ni Jake kahit ilang beses na namin itong kinontak.


Well, abangan na lang sa launching ng bagong serye ni Jake, ang What Lies Beneath (WLB) kasama sina Kaila Estrada, Sue Ramirez, Charlie Dizon at Janella Salvador kung magsasalita ang aktor.



MATAGUMPAY na natapos ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang Data Privacy Management Program nito noong Martes, Setyembre 23, na nagpapatunay sa matibay na pangako ng ahensiya na pangalagaan ang personal na impormasyon at isulong ang responsableng pamamahala ng datos sa panahon ng digitalization.


Nagbunga ang programa ng 23 bagong Data Privacy Champions. Sa bilang na ‘yan, 5 ay lalaki at 18 ang babae. Sinanay sila para ipatupad ang mga pamantayan sa data privacy at matiyak ang pagsunod sa umiiral na Data Privacy Act of 2012 at iba pang mga polisiya.


Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto ang mahalagang papel ng mga Data Privacy Champions para mapanatiling ligtas, maaasahan at mapagkakatiwalaan ang ahensiya.


“Napakahalaga po para sa ating ahensiya na tiyaking maayos, ligtas at protektado ang ating mga datos, lalo na’t karamihan sa ating mga transaksiyon ay may kalakip na personal at sensitibong impormasyon,” sabi ni Chair Lala.


Pinuri naman ni KAT-C Business and Data Privacy Consulting Inc. CEO Atty. Krishna Aira Tana-Caguia ang inisyatibo ng MTRCB na palakasin ang data privacy ng ahensiya.


“Ipinapaabot namin ang taos-pusong pagbati sa matagumpay na pagtatatag ng Data Privacy Management Program ng MTRCB. Ito ay isang malinaw na tagumpay na nagpapakita ng kanilang pananagutan sa pagsunod sa Data Privacy Act of 2012 at ng kanilang pangako na protektahan ang personal na datos na kanilang pinoproseso habang ginagampanan ang kanilang mandato,” sabi ni Atty. Tana-Caguia.


Kabilang sa programa ang presentasyon ng bawat Data Privacy Champion ng kanilang hakbang tungkol sa pagpapatupad ng mga risk treatment controls at mga pagpapabuti para mapalakas ang data privacy framework ng ahensiya.

Ang inisyatibo ay nagpapakita ng dedikasyon ng Board na mailinya ang mga hakbang sa pambansa at pandaigdigang pamantayan pagdating sa pagprotekta ng datos.


“Ang maagap na hakbang ng MTRCB sa pagtatatag ng programang ito ay nagpapakita ng malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng data privacy sa panahon ngayon. Isa itong patunay sa dedikasyon ng Board upang matiyak na ang mga karapatan ng mga data subject ay napangangalagaan,” sabi pa ni Atty. Tana-Caguia.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page