Kaya Iloilo, handa sa pagsabak sa 2022 AFC Champions League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 31, 2022

Nagpapalakas na ang Kaya Football Club Iloilo ng Philippines Football League (PFL) bilang paghahanda para sa kanilang pagsabak sa 2022 AFC Champions League qualifier ngayong Marso 8. Bumalik na ang beteranong si Robert Lopez Mendy kasabay ng pagdating ng mga kabataang sina Oskari Kekkonen at Sandro Reyes.
Haharapin ng Kaya ang Sydney Football Club, ang pumangalawa sa nakaraang A League ng Australia. Ang magwawagi ay tutuloy kontra Changchun Yatai ng Chinese Super League sa Marso 15 para sa 4th at last place sa Grupo H kasama ang Jeonbuk Hyundai ng Timog Korea, Yokohama F Marinos ng Japan at Hoang Anh Gia Lai ng Vietnam.
Huling naglaro si Lopez Mendy sa Kaya noong 2018 at malaki ang papel sa pagkampeon sa 2018 Copa Paulino Alcantara. Mula roon ay dinala niya ang talento sa UiTM sa Malaysia, Ceres Negros/United City sa PFL at naglaro para sa PKR Svay Rieng sa Cambodia nitong 2021.
May nakahain na panukala si Sen. Juan Miguel F. Zubiri na gawing mamayanan ng Pilipinas ang tubong-Senegal na forward katulad ng para kay Bienvenido Maranon ng United City Football Club na nauna nang nakapasa bilang ganap na batas. Siyam na taon na naninirahan si Lopez Mendy sa Pilipinas at may asawang Filipina.
Sina Kekkonen at Reyes ay lumipat galing Azkals Development Team, ang parehong koponan na tinalo ng Kaya para sa 2021 Copa Paulino Alcantara. Sasamahan nila si Mar Vincent Diano, isa pang dating ADT na naunang pumirma sa Kaya nitong Enero.
Nakapaglaro ang 22 anyos na si Kekkonen para sa Under-18 pambansang koponan ng Finland kung saan siya ipinanganak bago nagpasya na katawanin ang bansa ng kanyang ina.
Samantala, inihayag ng beteranong goalkeeper Louie Michael Casas ang kanyang pag-retiro sa edad 35 upang samahan ang kanyang pamilya sa U.S. Tinuldukan ni Casas ang makulay na karera sa paghirang sa kanya bilang Golden Glove o Best Goalkeeper ng 2021 Copa Paulino Alcantara.





Comments