top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Kaya FC Iloilo solo lider uli, 3-2 kontra Azkals sa PFL

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 18, 2023
1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 18, 2023




Balik sa kamay ng Kaya FC Iloilo ang solong liderato ng 2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways matapos ang pinaghirapang 3-2 panalo sa Azkals Development Team noong Sabado sa Rizal Memorial Stadium. Hindi nagpahuli ang Stallion Laguna FC at wagi sa Mendiola FC 1991, 3-0, pagsapit ng Linggo sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.


Unang binutas ni Jarvey Gayoso ang goal para sa Kaya sa ika-18 bago itinabla ni Andres Aldeguer ang laban sa ika-22 minuto, 1-1, at hindi ito nagbago hanggang halftime.


Lumitaw ang pagiging beterano ng Kaya at bumomba ng dalawang goal si Daizo Horikoshi sa ika-46 at ika-55 minuto upang lumayo, 3-1, at patatagin ang kanyang estado na may pinakamaraming goal sa liga na 13.


Hindi basta sumuko ng ADT at bumawi ng isang goal mula kay Pocholo Bugas sa ika-69 minuto subalit hindi kampi sa kanila ang orasan. Ito na ang ika-limang sunod na tagumpay ng Kaya at umakyat ang puntos sa 45 upang lampasan ang 42 ng dating numero uno Dynamic Herb Cebu FC.


Sumakay ang Stallion sa magkasunod na goal nina Kraig Bonanken sa ika-35 at bagong pasok na si Troy Limbo sa ika-40 minuto para sa sapat na puhunan. Tinuldukan ang dominasyon ng pangatlong goal buhat kay Griffin McDaniel sa ika-89 minuto at panatilihin ang pag-asa nila na umakyat sa pangatlong puwesto sa kartadang anim na panalo, isang tabla at pitong talo.


Samantala, pinulong na ng PFL ang 14 koponan na nagpahiwatig ng kanilang nais na paglahok sa 2023 Copa Paulino Alcantara ngayong Hunyo kasama ang mga miyembro ng PFL.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page