KAYA FC Iloilo, itinaas na ang tropeo ng PF League
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2023

Tinuldukan ng Kaya FC Iloilo ang kanilang siyam na buwang paglalakbay at itinaas ang tropeo ng Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.
Kahit nakakasigurado na sa kampeonato kahit ano ang mangyaring resulta, ibinuhos pa rin ng Kaya ang lahat at inukit ang 3-1 tagumpay sa palaban na Stallion Laguna FC upang sementuhin ang kanilang estado bilang mga bagong hari ng Pinoy Football.
Hindi makakalimutan ang husay na ipinamalas sa buong kampanya ni Daizo Horikoshi na pinarangalan bilang Golden Ball o Most Valuable Player at Golden Boot para sa may pinakamaraming goal na 15. Napili naman ang kakamping si Zach Banzon bilang Golden Glove o Best Goalkeeper kung saan pinangunahan ang depensa ng Kaya na namigay ng 20 goal lang sa 22 laro.
Laban sa Stallion, ipinaubaya ni Horikoshi sa mga kakampi ang bumida at naka-goal ang kanyang nakakabatang kapatid na si Tamon Horikoshi upang maging 1-0 pagsapit ng halftime. Pumalag ang Stallion at inulo ni Abraham Placito ang bola upang pumantay sa 1-1 subalit nagising ang Kaya at bumunot ng magkasunod na goal mula kay Jhan Melliza at reserba Jarvey Gayoso upang tapusin ang PFL na may 18 panalo, isang tabla at tatlong talo.
Maliban sa mga pandaigdigang kompetisyon na AFC Champions League at AFC Cup sa Setyembre, lalahok din ang mga koponan ng PFL sa mas pinalaking 2023 Copa Paulino Alcantara sa Hunyo. Ngayong taon ay nag-imbita ng mga hindi kasapi ng PFL at ilang mga varsity ng paaralan upang makabuo ng 16 koponan.
Samantala, nabunot ang Pilipinas sa Grupo H ng 2024 AFC Under-23 Asian Cup Qualifiers kasama ang host Thailand, Malaysia at Bangladesh ngayong Setyembre 6 hanggang 12. Ang 15 na papalarin ay tutuloy sa Qatar sa susunod Abril at ang torneo ang tutukoy din sa magiging tatlong kinatawan ng Asya sa Paris 2024 Olympics Men’s Football Tournament.





Comments