Kay Time For Glory ang korona ng Golden Girl
ni Green Lantern - @Renda at Latigo |October 6, 2022
Maganda ang ipinakitang takbo ni Time For Glory noong Linggo, hinablot nito ang korona sa Golden Girl's Stakes Race na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Kumaripas agad sa unahan sina Mommy Caring at Raintree Starlet pagbukas ng aparato habang nasa tersero puwesto si Time For Glory na nanonood ng lutsahan.
Nang masigurong pagod na ang dalawang nagtatagisan ng bilis sa unahan ay sinimulan na ni jockey Mark Angelo Alvarez ang pag-atake nila ni Time For Glory.
Lumapit sa unahan si Time For Glory habang pumapasok sa huling kurbada at pagsapit ng rektahan ay kuha na ng winning horse ang bandera.
Nanalo si Time For Glory ng may 2 kabayo ang agwat sa pumangalawang Raintree Starlet.
Inirehistro ni Time For Glory ang tiyempong 1:38 minuto sa 1,600 meter race sapat upang sikwatin ang premyong P300,000 sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Nasilo ng 2nd placer na si Raintree Starlet ang P112,500, tersero si Downsideprotection na sumungkit ng P62,500 habang pumang-apat si Mommy Caring na nagbulsa ng P25,000.
Samantala, patuloy ang magagandang laban tuwing Linggo kaya halos lahat ng karerista ay nag-aabang sa bolahan.





Comments