Kawalan ng plano sa ruta ng dyip, pahirap sa mga tsuper at komyuter

ni Ryan Sison - @Boses | October 29, 2020
Panibagong paghihirap ang dinaranas ng mga tusper at komyuter na dumaraan sa EDSA.
Kamakailan, tatlong u-turn slots na ang naisara rito, na naging dahilan ng sandamakmak na reklamo at kaguluhan ng mga motorista.
Noong Lunes, tumambad sa Metropolitan Manila Development and Authority (MMDA) ang dagdag na problemang dala ng pagsasara ng u-turn slot sa may Muñoz, EDSA.
Sa muling pagbabalik ng mga tradisyunal na jeep, hindi umano nagawan ng plano kung paano ang pag-ikot para hindi makasagabal sa busway scheme sa gitna ng EDSA.
Kaya pag-amin ng MMDA, simula pa lang ito ng iba pang problema dahil tila wala sa iisang pahina o hindi magkasundo ang nagbaba ng polisiya at inatasang magpatupad.
Dagdag pa ng MMDA, wala sa plano ang pagpasok ng tradisyunal na jeep at dahil hindi binago ang ruta, balik sila sa dati.
Nang isinara ang u-turn sa North Ave., roon nakita na walang daraanan ang mga jeep, kaya ang siste, sa Dario Bridge na ang u-turn na lagpas dalawang kilometro ang layo sa orihinal na u-turn slot.
Anang MMDA, dahil sa sitwasyon ng EDSA, ipinagbabawal umano ang mga dyip doon kaya tinitiketan ang mga ito.
Gayunman, dahil sa napakalayong ikot bago makatawid sa EDSA, nagka-cutting trip na lang ang mga jeepney driver para makatipid sa gasolina at pagod.
Bagama’t aminadong lito, may suhestiyon ang MMDA — muling pag-aralan ang mga ruta bago lalong lumala ang sitwasyon, gayung 13 ang isasarang u-turn slot pero tatlo pa lang naisara, marami nang reklamo at hirap.
Siguro nga, panibagong hamon ito sa mga komyuter at tsuper.
Kung ang mga nagpapatupad mismo ay nalilito, paano pa ang taumbayan?
Pakiusap sa mga kinauukulan, baka naman puwedeng muling silipin ang sitwasyon. Tandaan na hindi lang bus at pribadong sasakyan ang dumaraan sa EDSA kaya plis lang, isama sa plano ang mga tradisyunal na dyip para hindi na maulit ito.
Aksiyunan ang kaguluhang ito sa lalong madaling panahon dahil dagdag-gastos ito sa mga tsuper, dagdag-abala pa sa mga motorista.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments