top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Kawalan ng ‘due diligence’, ‘di depensa sa Estafa

Writer: BULGAR
BULGAR
May 11, 2023
2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 11, 2023


Dear Chief Acosta,


Kami ng aking asawa ay nakabili ng isang property sa Batangas mula sa mag-asawang nagpakilala na may-ari ng lupa. Nang aming tingnan ang pangalan sa titulo, aming nasumpungan na iba ang pangalan na nakalagay dito. Nang aming linawin kung bakit iba ang nakareshitro na pangalan, kami ay pinakitaan ng Affidavit of One and the Same Person, upang patunay na siya at ang pangalang nakarehistro sa titulo ay iisa.


Dahil dito, kami ay nagbayad ng halagang P300,000 bilang downpayment at ang balanse ay babayaran namin matapos na mailipat ang titulo sa aming pangalan.


Kalaunan, nadiskubre namin na hindi pala siya ang taong nakapangalan sa titulo kundi ang kanyang tiyahin. Kami ay nagsampa ng kasong Estafa sa ilalim ng Revised Penal Code Art. 315(2)(a). Sang-ayon sa kanilang depensa, kasalanan diumano namin ang nangyari, sapagkat hindi kami nagkaroon ng ‘due diligence’ at dapat diumano ay nag-countercheck muna kami ng mga dokumento bago kami pumasok sa nasabing transaksyon. Tama ba ito? –James


Dear James,


Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Spouses Isidro Dulay III and Elena Dulay (G.R. No. 215132, September 13, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Ramon Paul L. Hernando), kung saan sinabi na ang kasong Estafa ay nabubuo sa oras na tanggapin ng nagpapakilalang may-ari at seller ang bayad para sa lupang hindi naman niya tunay na pag-aari.


Ayon sa Korte Suprema:


“We note that private complainants do not appear to have conducted due diligence in ascertaining actual ownership of the property. However, private complainants' failure to conduct due diligence does not negate petitioners' fraud in pretending to own the subject property and gain by selling it to gullible buyers. In short, the estafa by deceit was consummated when petitioners received payments for the subject property knowing that they were not the registered owners who could validly transfer title thereto. Time and again we have ruled that the one induced, who must be ignorant of the falsity of the representations, must have relied on the truth thereof and, as a consequence, sustained injury.”


Gaya ng iyong kaso, hindi depensa ang kawalan ng ‘due diligence’ mo bilang buyer. Ang kasong Estafa sa ilalim ng Artikulo 315(2)(a) ay nabuo sa oras na gumamit ng panloloko ang mga nagbenta sa iyo sa pamamagitan ng pagpapanggap o pagpapakilalang may-ari ng property at pagtanggap ng bayad, gayung hindi naman sila ang rehistrado o tunay na may-ari at wala silang kakayahan na ilipat ang nasabing lupa sa pangalan ng pinagbentahan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page