- BULGAR
Kawalan ng DOH chief, ‘di dapat makaapekto sa COVID response
ni Ryan Sison - @Boses | July 5, 2022
Kahit wala pang itinatalagang kalihim si President Ferdinand Marcos, Jr., magpapatuloy umano ang pandemic response ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagama’t nasa “status quo” ang ahensya, hindi ito nangangahulugang hihinto sila sa pagresponde kontra COVID-19.
Kasabay nito, tiniyak din ng DOH na magtutuluy-tuloy ang kanilang mga programa sa pamamagitan ng senior officials na namamahala sa iba’t ibang bureaus, opisina at mga units nito.
Malaking parte ng paglaban sa pandemya ang pagkakaroon ng lider na mamumuno.
Ngunit habang nananatiling bakante ang posisyon, umaasa tayong hindi magbabago ang pandemic response ng DOH.
Mula sa mga pag-aanalisa sa pagdami o pagkaunti ng mga kaso ng COVID-19, pagtugon sa mga tinatamaan ng sakit at hanggang sa pagbabakuna sa mamamayan, dapat mapanatiling maayos at nababantayan.
Sa tulong ng mga opisyal ng ahensya, hangad nating manatiling maayos ang lahat at natutugunan ang mga pangangailangan ng publiko, partikular ang sektor na kanilang nasasakupan.
Sa kabilang banda, batid nating masusing pinag-aaralan ng Pangulo ang itatalagang DOH chief.
Ang hiling lang natin, sana’y pinaka-kuwalipikado at may malawak na karanasan sa larangan ng public health care ang mapili.
Bukod sa malawak na karanasan, umaasa ang mga health worker at publiko na ang uupong opisyal ay nakakaunawa sa pangangailangan ng mga Pilipino sa usaping kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com