top of page

Kaunting hintay lang, may P20 kada kilo ng bigas na sa 'Pinas

  • BULGAR
  • Sep 20, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | September 20, 2022


NASA Amerika na si Pangulong Marcos, Jr.

Hindi natin akalaing nakabalik sa Malacañang si Marcos, Jr.


Isang paniwalaan-dili, pero totoo at ngayon ay nasa US na ulit siya.


◘◘◘


MARAMING kakaibang pangyayari ang posibleng maganap.

Isa na ang pagbabalik sa presyong P20 kada kilogramo ng bigas.


◘◘◘


SA panahon ng Marcos, Sr. administration, direktang kinontrol ng gobyerno ang presyo at suplay ng “retail” ng bigas.

Ginawa ito sa pamamagitan ng “NGA”.


Ito ang pagbuo ng National Grains Authority (NGA)—ngayon at NFA—National Food Authority.


◘◘◘


SIMPLE lang ang taktikang ginawa ni Marcos Sr.


Hinugot niya bilang hepe ng NGA ang Bulakenyong si Jess Tanchangco.


◘◘◘


NAGLAGAY ng mga bodega ng bigas kada probinsya ang NGA.


Pinakyaw nito ang palay mula sa magsasaka sa “tamang presyo” at kiniskis o giniling sa mga NGA warehouses.


◘◘◘


OPO, may malaking bodega ang NGA sa mga strategic places.

Hindi lang 'yan, pinarami ng NGA ang kanilang personnel at nag-hire ng ordinaryong tao upang mag-REPACK.


Opo, aktwal na nag-repack ang NGA—at ibinenta ito sa merkado nang per-kilogramo, isang supot kada 5 kg; supot kada 10kg, supot kada 25kg.


◘◘◘


IBINENTA ang “repack NGA” rice sa mga palengke gamit ang NGA-accredited store kasama na ang libu-libong Kadiwa Store sa mga barangay.

Aktwal pong higit na mababa ang “NGA rice” kumpara sa commercial rice.


◘◘◘


KUNG may pondo ang TUPAD, Conditional Cash Transfer, ayuda sa drayber, ayuda sa transportasyon o obrero — eh, bakit naman hindi makakaya ang “subsidy” sa presyo ng bigas?


Hindi ba, bilhin sa maayos na presyo ang palay ng mga magsasaka—at ibenta ito sa “NFA-accredited retail store” sa halagang P20 kada kilo.


Hindi 'yan imposible.


◘◘◘


NAGAWA ng Matandang Marcos, eh, bakit hindi magagawa ng Batang Marcos?


Kailangan lamang ay magtalaga ang Malacañang ng matinong “hepe” ng ahensya na ang tutok lamang ay mamakyaw ng palay, magpa-giling nito, mag-repack at maibenta sa P20 kada kilo sa palengke at maliliit na sari-sari store.


◘◘◘


PUWEDENG magbuo ng “Presidential Arm” o Presidential Task Force ang Malacanang sa simpleng mithiin na maibenta ang bigas sa P20 kada kg sa ordinaryong tao.


Makapagbibigay pa ng libu-libong trabaho sa mga lalawigan at munisipalidad, mapapababa ang presyo at sisigla ang taumbayan.


◘◘◘


KUNG imported rice, direkta rin itong ipa-repack at ibenta nang mas mura sa ordinaryong mamamayan.


Siyempre, dapat italaga ni Pangulong Marcos, Jr ay hindi korup o mandarambong para pangasiwaan ang distribusyon ng “abot-kayang bigas”.


◘◘◘


GANYAN din sa asukal, puwedeng isabay sa “murang bigas” ang “murang asukal”—at magkasabay itong ire-repack at maibenta sa mga government-accredited store” sa mga palengke at sari-sari- store.


Simple lang, hindi ba?

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page