Katiwalian sa BFP, ‘wag palampasin
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | February 26, 2026

Kung totoo ang “slot-for-sale” at iregularidad sa inspeksyon na kinasasangkutan ng 12 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP), malinaw itong katiwalian.
Ang pagbebenta ng puwesto ay pagpatay sa merit at paglalagay ng hindi karapat-dapat sa responsableng posisyon. Ang pagpalusot sa inspeksyon kapalit ng pera ay pagsusugal sa buhay ng tao.
Hindi ito maliit na isyu. Ang BFP ang dapat nangunguna sa pagpapatupad ng fire safety standards. Kapag ang mismong tagapagbantay ang lumalabag, sino pa ang aasahan? Ang isang pirma sa sertipikasyon na hindi dumaan sa tamang proseso ay maaaring mauwi sa sunog na may kasamang pagkasawi at pagkalugi.
Kailangan ng agaran, transparent na imbestigasyon. Suspendihin ang sangkot habang iniimbestigahan. Ilabas sa publiko ang resulta. Kung may sala, kasuhan at tanggalin sa serbisyo. Kung walang ebidensya, linisin ang pangalan.
Pero hindi sapat ang parusa. Ayusin ang sistema: gawing digital at traceable ang inspeksyon, bawasan ang discretionary power, maglagay ng malinaw na audit trail, at magbukas ng ligtas na mekanismo para sa whistleblowers.
Ang tiwala ng taumbayan ay hindi ibinebenta, ito ay pinaghihirapan at pinangangalagaan. Panahon na para patunayan ng BFP na seryoso ito sa integridad at kaligtasan ng publiko.


Comments