Katamaran at kapabayaan, karaniwang sanhi ng Dengue
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 4, 2023
Sa pinakahuling ulat na inilabas ng Department of Health (DOH) ay nakapagtala ng 85,692 kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang nitong nagdaang Hulyo 22 lamang at inaasahang tataas pa ito dahil sa nagdaang mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Nabatid na ang ulat na ito ay 19% ang ibinaba kumpara sa 106,517 kaso na iniulat noong nakaraang 2022 ngunit natukoy na sa buwan ng Abril, nagsisimulang tumaas ang bilang ng pagtaas ng kaso.
Ayon sa DOH inaasahan ang pagtaas ng kaso ng dengue dahil sa panahon ng tag-ulan lalo pa at kabi-kabila ang pagbaha dahil na rin marahil sa kapabayaan ng Department of Public Works and Highway (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ang pinag-uusapan natin ay ang napapadalas na pagbuhos ng ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit nagbigay ng babala ang DOH sa publiko hinggil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa buong bansa dahil wala itong pinipiling panahon kahit ngayong tagtuyot sa panahon ng El Niño.
Marami kasi sa ating mga kababayan ang inaakalang sa panahon lamang ng tag-ulan tumataas ang kaso ng dengue na mariing pinabulaanan ng pamunuan ng DOH upang hindi mag-relax ang ating mga kababayan.
Tiniyak ng DOH na ang dengue ay endemic at kahit saang bahagi ng bansa, malaki ang posibilidad na lumobo ang kaso nito kahit anong panahon, maging tag-ulan man o kahit tag-init.
Sa panahon ng summer, ang karaniwang sitwasyon ay nakararanas ng kakapusan sa tubig ang marami nating kababayan kaya naoobliga silang mag-imbak ng tubig sa iba’t ibang container na kadalasan ay hindi nilalagyan ng takip.
Ang dengue-carrying mosquito ay mabilis na magpugad sa mga malilinis at hindi gumagalaw na tubig kaya ang resulta, sa loob lamang ng ilang araw ay dumoble na ang dami ng lamok na nasa paligid mismo ng mga kabahayan, lalo na sa lugar ng mga informal settlers.
Hindi biro ang 94% na itinaas ng kaso ng dengue sa buong bansa na halos dumoble ang bilang sa panahon ng first quarter ng ngayong taon kung ikukumpara sa mga kaso sa buong National Capital Region (NCR).
Kasalukuyang binabantayan ng DOH ang Central Luzon at Davao Region dahil kapansin-pansin ang pagtaas ng kaso ng dengue na halos humahabol na rin sa sitwasyon sa NCR.
Nakapagtataka kung bakit marami sa ating mga kababayan ang binabalewala ang dengue (break-bone fever) na isang viral infection na kumakalat mula sa lamok patungong tao na karaniwang nagaganap sa tropical at subtropical climates.
Marami sa ating mga kababayan na nagkaroon ng dengue ay walang sintomas, pero sa medyo mahina ang pangangatawan ay nakararanas ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo at kasu-kasuan, nausea at rash na karaniwang tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo.
Marami rin ang tinamaan ng dengue na halos hindi na makayanan ang sitwasyon na kinakailangan nang isugod sa ospital upang mabigyan ng tamang gamutan ngunit may mga malalang kaso ng dengue na nauuwi sa pagkasawi.
Maiiwasan naman ang dengue sa pamamagitan ng pag-iwas sa kagat ng lamok lalo na sa araw, kung saan ang gamutang isinasagawa para makaligtas dito ay pagbibigay ng doktor ng mga pain medicine dahil hanggang sa kasalukuyan, wala pa rin itong specific treatment.
Isa pa sa hindi gaanong alam ng ating mga kababayan, ang mga tinamaan ng dengue at tuluyan nang gumaling ay higit na mas delikadong magkaroon uli ng dengue dahil mas malaki ang posibilidad na lumala ito o humantong sa pagkasawi.
Kung medyo malala o severe dengue na ang tumama ay karaniwang nilalagnat lang ngunit paghupa ng lagnat, makararanas na ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, paghahabol sa hininga, namamaga ang gilagid at pagdurugo ng ilong, aligaga, dugo sa suka o dumi, palaging uhaw na uhaw, namumutla at nanghihina.
Ito ‘yung oras na kailangan nang isugod sa pagamutan ang isang indibidwal na nakararanas nito at hindi na pwedeng sa bahay na lamang isasagawa ang gamutan dahil kailangan na ng kalinga ng mga doktor.
Karaniwang ginagamit pa rin upang makontrol ang grabeng pananakit ng katawan ng isang may dengue ay ang Acetaminophen (paracetamol). Ang non-steroidal anti-inflammatory drugs tulad ng ibuprofen at aspirin ay iniiwasan dahil maaari umano itong magdulot ng pagtaas ng insidente ng pagdurugo.
Ngayon, para hindi na tayo humantong sa ganitong sitwasyon ay kailangan lang na maging malinis sa kapaligiran, at makakaiwas na sa kamatayang dulot ng lamok, lalo na sa mga bata na mas madaling dapuan ng sakit.
May sinusunod ang DOH na dapat gawin ng publiko tulad ng hanapin at sirain ang pinamumugaran ng lamok, gumamit ng insect repellents, kumonsulta ng maaga sa malapit na health care center, magsagawa ng fogging at spraying sa mga hot spot area at higit sa lahat ay makipag-ugnayan sa barangay.
Karaniwan, katamaran at kapabayaan sa kapaligiran ang sanhi ng dengue, at binabalewala pa rin ng marami nating kababayan. Marahil, kaya lang kumikilos kung kaanak o sila na mismo ang tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments