top of page

Kasulatan sa interest sa utang

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 1, 2023
  • 1 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 1, 2023


Dear Chief Acosta,


Ako ay dumating sa panahon ng pangangailangan, kaya ako ay nangutang sa aking kapitbahay para may maipambayad sa matrikula ng aking mga anak. Subalit, sa araw ng aking pagbabayad, nagulat na lamang ako nang pinatungan ng interes ng aking kapitbahay ang aking pagkakautang. Wala naman sa kasunduan namin ito, sapagkat saglit ko lamang hiniram ang pera. Kailangan ko bang bayaran ang nasabing interes? –Marissa


Dear Marissa,


Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Article 1956 of the New Civil Code, nakasaad na:

“Art. 1956. No interest shall be due unless it has been expressly stipulated in writing.”


Sang-ayon sa nabanggit, kinakailangang ang kasunduan tungkol sa pagbabayad ng interes ay may ebidensyang kasulatan. Kaya sa iyong sitwasyon, kung hindi n’yo napag-usapan ng iyong kapitbahay ang naturang pagbabayad ng interes sa iyong utang ay hindi ka niya maaaring pilitin sa pagbabayad nito. Para maging demandable ang interes, kinakailangan na may kasunduan kayo tungkol dito at ang kasunduang ito ay nararapat na may ebidensyang kasulatan.


Tandaan, ang isang kontrata ay nakabase sa pagsang-ayon ng mga partido sa mga kundisyon at termino nito. Ang mga ito ay nagsisilbing batas sa pagitan ng mga partido, kaya hindi maaari na bigla na lamang magpataw ang isang partido ng kundisyon o termino na hindi kasama sa napagkasunduan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page