Kasong kriminal sa pagbili ng nakaw na gamit
- BULGAR
- Dec 27, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 27, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon akong kapitbahay na nais magbenta sa akin ng mga alahas, relo at gadgets sa murang halaga. Mahigit 85% ng orihinal na presyo ang nabawas sa mga ito, kaya naman interesado akong bilhin para maibenta ko sa iba kahit na pakiwari ko ay galing ito sa nakaw kaya sobrang mura. Wala ba akong malalabag na batas kung bibilhin ko ang mga ito? - Rogelio
Dear Rogelio,
Para sa iyong kaalaman, mayroong batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Presidential Decree (P.D.) No. 1612 o Anti-Fencing Law of 1979:
“Section 2. Definition of Terms. The following terms shall mean as follows:
(a)"Fencing" is the act of any person who, with intent to gain for himself or for another, shall buy, receive, possess, keep, acquire, conceal, sell or dispose of, or shall buy and sell, or in any other manner deal in any article, item, object or anything of value which he knows, or should be known to him, to have been derived from the proceeds of the crime of robbery or theft.
xxx
Section 3. Penalties. Any person guilty of fencing shall be punished as hereunder indicated:
xxx”
Sang-ayon sa nabanggit, may karampatang kasong kriminal ang fencing o ang pagbili, pagbenta, pagtanggap o paghawak ng anumang gamit na galing sa krimen na theft o robbery. Ang mga aktong ito ay magiging krimen pa rin, basta alam ng bumili na ang mga gamit ay galing sa nakaw kahit hindi direktang nasabi sa kanya. Hangga’t mayroong intensyon ang bibili nito upang siya ay kumita para sa kanyang sarili o para man sa iba, ang krimen ng fencing ay nagawa pa rin.
Sa iyong sitwasyon, kahit hindi direktang nabanggit sa iyo na ang mga alahas, relo at gadgets ay galing sa nakaw, maraming panuntunan ang nagsasabing posibleng ang mga ito ay galing nga sa nakaw, tulad ng pagkakaroon ng labis na murang halaga. Kaya kung bibilhin mo ang mga ito para maibenta mo sa iba ay maaari kang makasuhan ng fencing. Lalo na kung mapatutunayang mayroon kang impormasyon na galing sa nakaw ang mga bagay na balak mo bilhin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments