top of page
Search
  • BULGAR

Kasong economic sabotage at pagkakakulong sa mga smuggler ng gulay

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 17, 2022


'LEAH CRUZ,' 'MANUEL TAN,' 'ANDREW CHANG' AT 'JUN DIAMANTE' KAPAG NAPATUNAYANG SMUGGLERS, DAPAT IPAKULONG—Diretsahang sinabi ni Sen. Imee Marcos na "modus-operandi" ng mga smugglers ang shortage ng sibuyas sa bansa.


Totoo 'yan at hindi lang sibuyas, kundi pati ibang produktong pagkain kapag nagka-shortage ay diskarte 'yan ng mga smugglers para maitaas nila ang presyo.


Noong April 2022 ay ibinulgar ni dating Senate Pres. Vicente "Tito" Sotto III na ang mga vegetables smugglers umano sa bansa ay sina "Leah Cruz," "Manuel Tan," "Andrew Chang" at "Jun Diamante" na may operasyon ng smuggling sa Manila International Container Port (MICP), Port of Subic at Port of Cagayan de Oro City, Port of Batangas.


Dapat pangunahan ni Sen. Imee ang pag-iimbestiga sa mga 'yan at kapag napatunayang sila ay smugglers, sampahan sila ng kasong economic sabotage at ikulong!


◘◘◘


GAMBLING LORDS NG MALABON, MAPROTEKTAHAN KAYA NG KANILANG 'GODFATHERS' KAPAG INUTOS NI GEN. PENONES NA ARESTUHIN SILA?—Sina alyas Boy Merjay at Ian daw ang tumayong godfathers nina "Mario Bokbok," " Atan," "Noel," "Ponga" at "Lina Robles" sa kanilang illegal gambling operations na lotteng, EZ-2 at sakla sa Malabon City.


Tingnan nga natin kung kayang protektahan ng kanilang godfathers sina "Mario Bokbok," " Atan," "Noel," "Ponga" at "Lina Robles" kapag ipinag-utos ni newly appointed NPDO (Northern Police District Office) Director, Gen. Ponce Penones na sila ay "tokhangin".


◘◘◘


POOR SA 'PINAS, IMBES NA MABAWASAN, LALO PANG DUMADAMI—Matapos isapubliko ng SWS survey noong Aug. 3, 2022 na pumalo na sa 48% ng pamilyang Pilipino ang maralita sa Pilipinas ay inanunsyo naman ng Philippine Statistics Authority nitong Aug. 14, 2022 na 18.1% ng pamilyang Pinoy ang nadagdag na mahirap sa bansa.

Kapag kinuwenta ang 48% plus 18%, ang total niyan ay 59% na ibig sabihin ay ganyan na karami ang nakararanas ng hirap sa 'Pinas.


Nakakalungkot isipin na imbes mabawasan ay lalo pang nadaragdagan.


◘◘◘


KAPAG NAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS, BUHOS; KAPAG NAG-ROLLBACK, 'PATAK-PATAK' LANG—Matapos ang sunud-sunod na oil price hike ay nagkaroon naman ng rollback kahapon sa presyo ng langis at ang naging rollback sa gasolina ay P0.10; sa diesel ay P1.05 at sa kerosine ay P0.45.


Ang ganyang sistema ng Energy Regulatory Commission (ERC) at mga kompanya ng langis ang nakakainis kasi mantakin n'yo, kapag nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay "buhos" pero kapag nag-rollback ay "patak-patak".

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page