top of page

Kaso sa nakapulot ng gamit at 'di sinoli sa may-ari

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 28, 2023
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 28, 2023


Dear Chief Acosta,


Mahigit isang linggo nang nawawala ang kamerang binili ko pa sa Singapore, sapagkat naiwan ko ito sa silid kung saan kami nag-training. Nagkataon naman na ang aking kaopisina ang huling tao sa nasabing silid at siya ang nagsarado ng pintuan. Kahapon, nakita ko itong nakapatong sa mesa ng aking kaopisina at sigurado akong ito ang aking nawawalang kamera, sapagkat nakatatak dito ang initials ng pangalan ng aking anak. Ngunit nang kausapin ko ang aking kaopisina, ipinagpilitan niyang sa kanya ito.


Ano ang kanyang pananagutan sa akin? –Rhea


Dear Rhea,


Para sa iyong kaalaman, ang iyong katanungan ay tinatalakay sa Artikulo 308 ng Revised Penal Code of the Philippines kung saan nakasaad na maaaring managot sa kasong theft ang sinumang nakahanap ng nawawalang gamit at hindi ito isauli o ibalik sa may-ari o sa mga kinauukulan:


“Art. 308. Who are liable for theft. — Theft is committed by any person who, with intent to gain but without violence against or intimidation of persons nor force upon things, shall take personal property of another without the latter's consent. Theft is likewise committed by:

1. Any person who, having found lost property, shall fail to deliver the same to the local authorities or to its owner;

2. Any person who, after having maliciously damaged the property of another, shall remove or make use of the fruits or object of the damage caused by him; and

3. Any person who shall enter an inclosed estate or a field where trespass is forbidden or which belongs to another and without the consent of its owner, shall hunt or fish upon the same or shall gather cereals, or other forest or farm products.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang krimen na theft ay nagaganap, hindi lamang sa pamamagitan ng sadyang pagkuha ng gamit ng ibang tao, ngunit pati na rin ang hindi pagsauli ng isang nawawalang bagay sa may-ari nito o sa mga kinauukulan. Ang taong ‘yun ay maaaring makasuhan ng theft sa ilalim ng Revised Penal Code.


Samakatuwid, sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay nakasisiguro na ang kamerang nasa iyong kaopisina ngayon ay ang nawawala mong kamera, maaari mong masampahan ng kasong kriminal na theft ang iyong kaopisina. Ito ay sa kadahilanang hindi niya isinauli ang nasabing kamera na iyong pag-aari noong ito ay natagpuan niya sa isang silid kung saan kayo nagkaroon ng training o ilagak ito sa kinauukulan alinsunod sa itinatakda ng batas.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page