Kaso ng pneumonia sa mga bata, biglaang sumirit

ni Ryan Sison @Boses | October 26, 2023
Sa kabila na kaunti na lamang ang mga nadadale ng COVID-19, tumaas naman ang kaso ng mga tinatamaan ng sakit na pneumonia.
Ayon sa Department of Health (DOH), biglaan ang pag-akyat ng kaso ng naturang respiratory infection na nai-report sa mga pampublikong ospital. Bukod pa rito, tumaas din ang kaso ng mga batang nagkakasakit ng pneumonia o pulmonya kung ikukumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Pahayag ng DOH, mula January hanggang June 2023, may kabuuang 82,122 pneumonia cases ang naiulat sa mga rural health unit sa bansa. Nasa 26.93% ito na mas mataas kaysa sa mga kaso na nai-report sa parehong period noong 2022. Gayundin, ang mga kaso ng pneumonia, anang ahensya, sa mga batang wala pang limang taong gulang ay nasa 11.13% na mas mataas ngayong taon kaysa noong 2022 o nasa 34,160 kumpara sa 30,739 cases.
Nalinaw naman ng pamahalaan na ang naturang datos ay nanggaling sa Field Health Services Information System, kung saan nasasakop lamang sa mga public health facilities.
Sinabi pa ng DOH na hanggang Hunyo 2023 pa lamang ang naitatalang datos dahil sa kada quarter ang pagsa-submit ng mga bilang nito.
Matatandaan na noong nakaraang linggo ay iniulat na rin ng DOH na nasa 45% ang itinaas ng flu-like cases sa bansa kumpara noong October last year.
Marami talagang mga sakit na naglipana ngayon lalo’t panahon ng taglamig at tag-ulan.
Nar’yan ang ubo, sipon, lagnat at iba pa na madaling makuha at mahawa. Ang nakakabahala lang ay ‘yung tamaan ng malalang sakit gaya nga nitong pneumonia at ang kumalat pang flu-like disease.
Batid natin na patuloy naman ang pagsisikap ng kinauukulan, katuwang nila ang mga ospital, doktor at health workers, upang tayo ay gamutin sa ating mga sakit at pangalagaan ang kalusugan ng bawat mamamayan.
Marahil, mas mabuting tayo na mismo ang magdoble-ingat at proteksyunan ang ating mga sarili laban sa anumang sakit. Palagi tayong magdala ng mga panangga sa ulan gaya ng payong, kapote at iba pa. Sakaling malakas ang ulan, huwag sumugod, sa halip ay hintayin muna nating tumigil o tumila ito. Iwasan din natin na lumusong sa baha dahil maaaring may dala rin itong sakit na leptospirosis.
Isipin natin palagi na walang ibang magmamalasakit para sa ating sarili, kundi tayo rin.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments