top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Kaso ng pananampal ng titser sa estudyante na namatay, tutukan

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 4, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | October 04, 2023


Matinding sakit na mahirap ipaliwanag ang mararamdaman ng isang magulang kapag ang kanilang minamahal na anak ay inapi o sinaktan ng sinuman.


Ito marahil ang nararanasan ngayon ng ina ng Grade 5 student, kung saan nagsuka at sumakit ang ulo at mga mata ng kanyang anak na sinampal umano ng guro sa Peñafrancia Elementary School sa Antipolo City, habang namatay ilang araw matapos ang naturang insidente.


Batay sa ulat, Setyembre 20 nang sampalin umano ng isang titser ang 14-anyos na estudyante dahil diumano sa pag-iingay.


Ayon kay Divina Rafael, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Antipolo City Police Station, base sa mga bata ay hinawakan daw sa damit at hinawakan sa buhok saka natampal ang naturang estudyante.


Sa salaysay naman ng inang si Elena Minggoy sa ABS-CBN News, pagdating galing sa iskul ay nagsumbong agad sa kanya ang anak matapos ang umano’y pananampal ng guro dahil sa sinasabing pag-iingay nito. Hindi raw kasama ang kanyang anak sa pag-iingay dahil nagte-test ito.


Nang binalikan siya ng titser, hinatak siya sa kuwelyo ng uniform saka sinabunutan. Matapos ang pagsabunot ay sinampal siya ng guro.


Ayon pa kay Minggoy, nagkuwento ang kanyang anak na para itong nabingi sa sampal ng guro, habang sinabing, “Ang sakit ng tainga ko, Ma”.


Nakapasok pa umano ang bata ng ilang araw ngunit unti-unti siyang nakaramdam ng pananakit sa ulo at tainga na sinundan ng pagkawala ng balanse at pagsusuka kung kaya’t dinala na ito sa ospital. Sa record ng Amang Rodriguez Medical Center na pinagdalhan sa biktima ay na-comatose at nagkaroon ng pagdurugo sa utak niya hanggang sa binawian siya ng buhay.


Sa ngayon, inihahanda na ng pulisya ang mga reklamong homicide at paglabag sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law laban sa gurong nanampal habang nakatakdang puntahan naman ng DepEd superintendent ang paaralan hinggil sa insidente.


Masakit para sa magulang ang masaktan o magalusan ang kanilang mga anak lalo pa kung ito ay bawian ng buhay.


Lubos kasi ang tiwala natin na kapag pumasok na ang ating anak sa paaralan ay may titingin at mag-aalaga sa kanila.


Sa ating mga guro, hindi ba’t dumaan kayo sa mga training at seminars kung paano i-handle ang mga sitwasyon sakaling may mangyaring gulo sa inyong klase?


Batid naman natin na may mga guro na istrikto at terror, at dumarating din sa punto na pagod na sila sa pagtuturo at may makukulit talagang estudyante. Subalit, bakit kailangang umabot pa sa pananakit sa estudyante? Sana ay hinabaan na lamang ang pasensya at ipinairal ang kahinahunan para hindi nangyari ang ganito.


Sa kinauukulan, marahil dapat na patawan ng mas mabigat na parusa ang gurong mananakit, mambu-bully sa kanilang mga estudyante upang hindi na maulit pa ang ganitong pangyayari.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page