top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Kaso ng pagkawala at pagdukot, ‘wag dedmahin

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 25, 2024
2 min read

by Info @Editorial | June 25, 2024



Editorial


Nakaaalarma ang mga post sa social media na may kaugnayan sa umano’y pagkawala at pagdukot sa ilang kabataan.


Nagbabakasakli na sa pamamagitan ng pag-post at share online ay matatagpuan ang nawawalang mahal sa buhay.


May mga kasong naglayas at nakituloy lang sa kaibigan. Bagama’t meron ding nauuwi sa karumal-dumal na krimen -- inaabuso, pinapatay saka itinatapon kung saan. 


Kaya sobrang bigat na alalahanin ‘pag may kasama tayo sa bahay na bigla na lang ‘di nakauwi, lalo na ‘pag bata.


Kamakailan, anim na batang residente sa Pasig City na sakay sa taxi ang umano’y nasagip mula sa mga sinasabing kidnaper.


Ang mga suspek ay inilarawan na 45-anyos na taxi driver at isang edad 47 na lalaking kasabwat. Kapwa nakatakda nang sampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act). Isa sa suspek ang sinasabing kalugar ng mga biktima.


Ayon sa kapulisan, naalarma ang mga tauhan ng Pasig City Police Station nang mapansin ang kahina-hinalang reaksyon ng mga batang sakay ng taxi, habang nagsasagawa ng “Oplan Sita”, kaya pinara ito. Nag-iiyakan umano ang mga bata.


Nang tawagan ng mga otoridad ang mga magulang ng mga bata, hindi umano nila alam kung saan ang punta ng mga ito. Ayon naman sa mga biktima, niyaya sila na pupunta sa isang lugar para bilhan umano sila ng milk tea.


Nabatid na may blotter na rin sa kanilang barangay kaugnay sa abduction.


Samantala, halos kalahati umano ng kabuuang bilang ng mga kaso ng kidnapping na naitala ng Philippine National Police (PNP) sa unang bahagi ng taong 2024 ay pawang hoax lamang.


Aabot sa kabuuang 18 kaso ng kidnapping ang naitala ng kanilang hanay ngunit siyam dito ay pawang hoax kidnapping.


Habang mula sa siyam na lehitimong kaso ng kidnapping na naitala ngayong taon ay dalawa ang naresolba na, tatlo ang cleared na, at ang natitirang apat naman ay nananatiling nasa ilalim ng imbestigasyon.


Laging paalala sa mga magulang na sabihan ang mga anak na huwag basta nakikipag-usap lalo na ang sumama sa mga hindi kakilala.


Mag-ingat sa mga nakakausap online na posibleng modus na ang pakikipagkaibigan pero ang tunay na motibo ay gumawa ng masama.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page