Kaso ng leptospirosis, 1,770 na – DOH
ni Lolet Abania | September 14, 2022

Umabot na sa 1,770 kaso ng leptospirosis ang nai-record mula Enero 1 hanggang Agosto 27, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Miyerkules.
Sa isang statement ng DOH, sinabi ng ahensiya na 36% na mas mataas ito kumpara sa nai-report na mga kaso sa parehong period noong nakaraang taon na 1,299 cases.
Ayon sa DOH, kabilang sa mga rehiyon na may pinakamaraming kaso ng leptospirosis ay National Capital Region (NCR), Western Visayas, at Cagayan Valley.
Batay sa ahensiya, mula Hulyo 31 hanggang Agosto 27, may 327 cases ang nai-record.
Sa naturang period, ang NCR, Davao Region, at Western Visayas ang may pinakamataas na bilang ng mga kaso.
Sinabi naman ng DOH na nasa 244 na ang naitalang nasawi dahil sa leptospirosis.
Samantala, ang Cagayan Valley, Bicol Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Davao Region, at Cordillera Administrative Region (CAR) ay lumagpas na sa tinatawag na “alert and epidemic threshold” sa loob ng nakalipas na morbidity weeks mula Hulyo 31 hanggang Agosto 27, ayon sa DOH.
Gayunman, sinabi ng health department na “walang clustering” na nai-report sa buong bansa.





Comments