Kaso nasa 2,794 na… 370 patay sa leptospirosis — DOH
- BULGAR
- Nov 26, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | November 26, 2022

Umabot na sa kabuuang 2,794 ang mga kaso ng leptospirosis sa bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 29, batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Biyernes.
Sa naturang bilang nasa 68% ito na mas mataas kumpara sa parehong period noong nakaraang taon, na nasa 1,661 cases. Habang tumaas naman ang bilang ng mga nasawi dahil sa leptospirosis na nasa 370 mula sa 178 noong 2021.
Paalala naman ng DOH sa publiko na ang mga kaso ng leptospirosis ay tumataas sa panahon ng tag-ulan, habang maraming mga tao ang napapalusong sa mga tubig-baha na maaaring kontaminado ng ihi mula sa mga daga at mga hayop na may bacteria leptospira.
“Ang leptospirosis, expectedly, especially during the rainy season, it increases. Right now, it’s kind of more emphasized, because there would be, on top of the non-communicable diseases, are those people who have kidney ailments,” pahayag ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire.
Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis anang ahensiya, ay lagnat at chills, masakit ang ulo at muscle aches, red eyes, pagsusuka, at jaundice o paninilaw ng balat at mga mata.
Ayon sa isang nephrologist, kapag lumabas ang mga naturang sintomas, dalawa hanggang 14 araw mula sa exposure sa kontaminadong tubig, dapat na agad magpakonsulta sa doktor.
“It’s just flu-like symptoms ‘pag early stages of the leptospirosis. So, kung hindi ka magkonsulta at hindi malakas ang resistensya ng katawan, maaaring lumala ang leptospirosis. Ang worst case scenario na pwedeng mangyari ay ‘yun nga, maaari kang ma-dialysis dahil sa severe forms of leptospirosis,” saad ni Dr. Donnah de Leon ng National Kidney and Transplant Institute.
Para maiwasan ang leptospirosis, ayon sa DOH, iwasan na ma-expose sa tubig o lupa na kontaminado ng ihi mula sa mga potensyal na infected na mga hayop. At kung hindi maiwasan na mapasuong sa mga tubig-baha magsuot na lamang ng mga boots.





Comments