top of page
Search
BULGAR

Kasado na sa Martes… Oil price hike, next week – DOE

ni Zel Fernandez | April 23, 2022



Mapapaaray na naman ang mga motorista sa posibleng panibagong taas-presyo ng gasolina na nakaambang mangyari sa susunod na linggo, batay sa ulat ng Department of Energy (DOE).


Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad ngayong Sabado, Abril 23, “ang kadalasan po na adjustment natin on a weekly basis ay sa umaga po ng Tuesday. So, mangyari ito next week, sa umaga ng Tuesday”.


Bagaman, hindi tinukoy ni Director Abad ang presyo na idaragdag sa singil sa mga produktong petrolyo dahil maaari umano nitong maapektuhan ang mga oil companies, na hindi pa nagbibigay ng kanilang pabatid sa kung magkanong halaga ang ipapatong sa kasalukuyang halaga ng gasolina, iniiwasan din aniya ng DOE na magbanggit ng presyo na posibleng gayahin lamang ng ibang kumpanya ng langis.


“May increasing po tayong ine-expect, pero hindi ko po masabi kung ilang mga amount kasi ayaw po sana natin maimpluwensiyahan ang mga oil companies which will actually provide the notification, usually on Monday. So, upon receipt po nu’ng notification nila, du’n lang po kami pwedeng makapagsabi para hindi po lumabas na nauuna tayo sa pagsasabi ng amount at baka kopyahin na lang po ng mga oil company ‘yung sinabi natin”, paliwanag ng tagapangasiwa.


Ayon kay Abad, isa pa rin sa pangunahing sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo sa bansa ay ang hindi maayos na relasyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, na noong magkaroon din ng pahiwatig ng inaasahang peace talks ay naging daan upang bumaba ang halaga ng langis. Ngunit, nang maudlot ito ay muli ring nagdulot ng pagmamahal ng gasolina.


Dagdag pa rito, ang muling pagpapatupad umano ng lockdown sa Shanghai dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 ay naging sanhi rin ng dagdag-singil sa petrolyo dahil nakikita ng merkado na magiging agresibo na naman umano ang China, kasabay ng mas mataas na demand sa produktong langis.


Pahayag pa ni Abad, isa pang anunsiyo na bahagyang nagdulot ng pangamba sa world market ay ang planong pinag-uusapan ng European Union (EU) na posible na aniyang i-ban ang Russian export ng langis at gasolina dahil ito raw ang pinanggagalingan ng perang ginagamit na panggastos sa military action.


Tugon naman ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC), ang mawawalang Russian oil na aabot sa tinatayang 5 milyong barrel exports kada araw sa merkado ay hindi nito kayang punuan kaya hindi talaga umano maiiwasan ang pabago-bagong singil sa petrolyo sa kasalukuyang sitwasyon sa buong mundo.







0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page