Search
  • BULGAR

Kasado na ang budget… Babangon tayo ngayong 2021, kapit lang!

Updated: Jan 8

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | January 2, 2021



Tuluy-tuloy ngayong 2021 ang mga programa ng gobyerno na sasagot sa mga suliraning kinahaharap ng bansa sa iba’t ibang kalamidad, partikular sa pandemyang dulot ng COVID-19.


‘Yan ang tinitiyak natin matapos lagdaan at pagtibayin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong pambansang budget nitong nakaraang linggo bago natapos ang Disyembre 2020.


Bukod sa isinabatas na P4.5 trilyong 2021 national budget, pinagtibay din ng ating Punung-Ehekutibo ang pagpapalawig sa paggastos sa 2020 budget, gayundin ang bisa ng Bayanihan To Recover as One Act o Bayanihan 2.


Pangunahin sa mga prayoridad ng 2021 budget ang pagbili ng bakuna kontra COVID, ang pagpapalakas ng ating health system, gayundin ang muling pagpapalakas sa ating nanamlay na ekonomiya.


Hindi naman lingid sa kaalaman natin na maraming kalakalan sa bansa ang nagsara o kaya nama’y pansamantalang tumigil ang operasyon dahil sa hagupit ng pandemya. At dahil sa pangyayaring ‘yan, napakalaking latay ang inabot ng ekonomiya ng Pilipinas, tulad din ng patuloy na nararanasan ng iba’t ibang bansa sa daigdig.


At upang kahit paano ay maibsan ang pangamba ng ating mga manggagawang nawalan ng ikinabubuhay dahil sa COVID-19, patuloy din ang ayuda para sa kanila sa ilalim ng 2021 budget.


Kasama rin sa mga ibabangon ng bagong pambansang budget ang mga kababayan nating sinalanta ng mga kalamidad at rehabilitasyon sa mga lalawigang lubhang naapektuhan.


Anu-ano nga ba ang prayoridad ng 2021 national budget?


Unang-una, nabanggit na natin, ang pagbili ng bakuna; dagdag-suporta sa flexible/distance/blended learning; pagpapalakas sa sistemang pangkalusugan ng bansa; mas malawak na ayuda sa mga pinakamahihirap na pasyente; mas pinalawak na contact tracing; mas malakas na libreng wifi para sa mga pampublikong lugar at sa mga state universities and colleges o SUCs; patuloy na tulong sa displaced workers; pondo para sa social pension ng ating indigents; pagpapatuloy ng feeding program; training for work scholarships and special training for employment; implementasyon ng Philippine Innovation Act; implementasyon ng Doktor para sa Bayan Act; mas mapabibilis na ang paggulong ng mga kaso sa hudikatura; resettlement para sa mga kababayan nating nawalan ng tahanan dahil sa mga kalamidad at ito ngang rehabilitasyon sa mga lugar na sinira ng mga nagdaang bagyo at iba pang natural calamity.


Hindi natin lubos-maisip kung ano ang kasasapitan ng mga programang ito kung nagkataong naantala ang pagpapasa sa budget. Para tayong gumawa ng sarili nating problema.


Kaya’t tayo’y nagpapasalamat sa ating mga kasamahang senador, kongresista, staff, dahil hindi tayo pinanghinaan ng loob at pinagsikapan nating lahat na maipasa ang budget sa takdang panahon.


At tulad ng mga nasa lehislatura, pinasasalamatan din natin ang mga nasa Ehekutibo, partikular ang Tanggapan ng Pangulo, ang Department of Budget and Management na nakipagsabayan din sa mga mambabatas at senador sa pagbalangkas ng 2021 national budget.

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.