Karateka Tsukii, naka-gold; HD Spikers, bumida sa PVL
- BULGAR
- Jul 10, 2022
- 2 min read
ni GA - @Sports | July 10, 2022

Sinipa ni World No.5 Filipina karateka Junna Tsukii ang unang gintong medalya ng bansa sa 2022 The World Games sa Birmingham Southern College, Bill Battle Coliseum, Birmingham, Alabama sa Estados Unidos.
Hindi naging madali para sa Filipina-Japanese ang daan patungo sa tagumpay ng dalhin siya ng kanyang kapalaran sa inaasam na gintong medalya kahit na maagang nakatikim ng kabiguan sa simula ng kanyang kampanya.
Nabawian ng 30-anyos na 2019 Southeast Asian Games gold medalist ang undefeated at World No.2 na si Yorgelis Salazar Camacho ng Venezuela sa finals sa iskor na 2-0 upang maibulsa ng Pilipinas ang ikalawang titulo sa mga nagdaang edisyon na sinargo ni Carlo Biado sa men’s 9-ball nung 2017 Wroclaw, Poland.
Pinadapa si Tsukii ni Salazar-Camacho sa unang laban sa bisa ng 1-8 iskor, hanggang nakabawi ito kay Shara Hubrich sa iskor na 6-4, habang natalo ito kontra kay Morales Ozuna Gema ng Spain sa 3-3 dahil sa senshu (unang nakapuntos).
Samantala, nalampasan ng Cignal HD Spikers ang hindi magandang receives sa second set Spikers upang makuha ang pambuwenamanong panalo laban sa Army-Black Mamba sa iskor na 25-17, 21-25, 25-20, 25-20 sa unang laro ng pagbubukas ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Nagpakita ng impresibong laro si 2022 Open Conference best setter Maria Angelica “Gel” Cayuna sa pamamahagi ng ng 24 excellent sets kabilang ang 7 puntos mula sa 2 atake, 3 blocks at 2 service aces ang dating Far Eastern University setter upang mabigyan ng malulupit na atake sina Frances “Ces” Molina na may kabuuang 20pts mula sa 16 atake at 4 na blocks at 14 excellent digs, at tig-10pts nina Rachel Ann Daquis at Roselyn Doria, habang may nasalong 16 excellent digs at 8 excellent receptions si Angeli Dionela.
Nasayang naman ang magandang larong ipinakita nina dating beach volleyball national team players Nerissa Bautista sa 14pts at Jovelyn Gonzaga sa 13pts, habang may ambag si Michelle Morente sa 12pts.





Comments