top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Karapatan sa suporta ng hindi lehitimong anak naapelyido ng ina ang gamit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 2, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 2, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Ang suporta ay madalas nagiging problema kapag ang relasyon ng mga mag-asawa, kasal man o hindi, ay naging mapait. 


Gayunpaman, maging paalala sana ito sa lahat na hindi dapat magdusa ang mga bata dahil nawalan ng pagmamahal ang kanilang mga magulang sa isa’t isa. Pakatandaan natin na ibang bagay ang relasyon ng isang anak sa kanyang mga magulang. Ang karapatan ng isang bata na suportahan ay isang mahalagang bagay na pinoprotektahan ng batas.


Ang paggamit ng isang anak sa labas ng apelyido ng kanyang ina ay naaayon sa mga probisyon ng Artikulo 176 ng Family Code, na nagtatakda na ang mga anak sa labas ay dapat gumamit ng apelyido at dapat nasa ilalim ng awtoridad ng kanilang ina. 


Ang paggamit ng illegitimate child ng apelyido ng kanyang ina at pagbibigay ng parental authority sa ina ay hindi dahilan upang ang naturang bata ay mawawalan ng karapatan na tumanggap ng suporta mula sa kanyang ama dahil ang batas ay nagbibigay sa nasabing bata ng karapatang tumanggap ng suporta at ito ay itinatadhana sa ilalim ng Artikulo 194 at 195 ng Family Code.


Binubuo ng suporta ang lahat ng kinakailangan para sa kabuhayan, tirahan, pananamit, medikal, edukasyon at transportasyon, alinsunod sa kakayahan sa pananalapi ng pamilya. (Artikulo 194 ng Family Code) 


Ang suporta para sa edukasyon ng taong karapat-dapat na mabigyan nito ay dapat sakop hanggang matapos ang kanyang pag-aaral o pagsasanay para sa isang propesyon, kalakalan o bokasyon, kahit na nasa edad ng mayorya na siya. Kasama rin sa suporta para sa edukasyon ang pamasahe sa pagpunta at paglabas ng paaralan.


Ang obligasyon na magbigay ng suporta ay dapat na hinihingi mula sa oras ng pangangailangan ng taong may karapatang tumanggap ng nasabing suporta. Ngunit maaaring hindi ito bayaran maliban sa oras ng petsa ng hudisyal o extrajudicial demand. (Artikulo 203 ng Family Code)


Mula sa mga nabanggit, maaaring humingi sa ama ng bata ng kinakailangang suporta sa pamamagitan ng personal na paghingi sa kanya ng suporta o sa pamamagitan ng paghahain ng kaso sa korte para humingi ng suporta sa ngalan ng nasabing bata.


Ang isang aksyon para sa suporta ay maaaring maging kuwalipikado bilang isang aksyon na nakakaapekto sa personal na katayuan ng isang tao. Gaya ng tinukoy, ang personal na katayuan ay nangangahulugang isang legal at personal na relasyon, hindi pansamantala o maaaring wakasan sa kagustuhan lamang ng mga partido, kung saan ang mga ikatlong tao at ang estado ay nababahala. (Sinipi sa Remedial Law Reviewer, 2001 Revised Edition, page 244) 


Kung hindi, ito ay isang aksyon kung saan pinag-uusapan ang relasyon ng isang anak at ng kanyang ama.


1 Comment


Ryan The Explorer
Ryan The Explorer
Jun 03, 2024

Atty. May tanong po ako hopefully masagot po ito dahil yung restaurant po na tinatrabaho ko may bagong General Manager na hired tapos Binago ang hatian ng aming service charge at gumawa siya ng memo batay sa article 11360 pero kasama siya sa hatian sa lahat ng restaurant ng company tama ba yun na pwede siya e sali e part siya sa managerial.

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page