Karapatan sa scholarship ng estudyanteng kasama sa Top 10 at gradweyt ng public school

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | April 2, 2023
Sa pagtutuon ng pansin ng Estado sa kapakanan ng ating mga mag-aaral na may kakaibang angking talino, subalit salat sa pinansyal na aspeto ay ipinasa at isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 10648 o mas kilala sa titulong “Iskolar ng Bayan Act of 2014.”
Ang pagsasabatas nito ay sang-ayon sa polisiya ng Estado na mabigyan ng proteksyon at maisulong ang karapatan ng lahat ng mamamayan na mabigyan ng may kalidad na edukasyon, at magbukas ng daan para sa matatalinong mag-aaral na kabilang sa mahihirap nating kababayan na makapag-aral sa kolehiyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal.
Para maisakatuparan ang layuning ito ng Estado, ang pamahalaan ay nagtatag ng isang programa na kinikilala bilang “Iskolar ng Bayan Program” para sa mga magtatapos ng high school mula sa pampublikong paaralan. Kinakailangan lamang na ang mga nasabing mag-aaral ay kabilang sa “Top Ten” ng mga magtatapos at makakasunod sa mga pamantayan ng mga State Universities at Colleges (SUCS) ukol sa aplikasyon at iba pang mga polisiya para makapasok ang isang mag-aaral sa mga nasabing SUCs.
Nakatala sa Seksyon 4 ng R.A. No. 10648 ang mga kondisyon para makakuha ng scholarship sa ilalim ng Iskolar ng Bayan Program, katulad ng mga sumusunod:
“SEC. 4. Admission in SUCs. – Any public high school student who belongs to the top ten (10) bracket of the graduating class shall be entitled to the scholarship grant provided under this Act in any SUC of choice upon compliance with the following conditions:
(a) The student has graduated from any public high school in the country within two (2) years prior to the academic year being applied for in the SUC;
(b) The student has complied with the application requirements of the SUC;
(c) The student’s rank is reported by the public high school principal or administrator in a certificate bearing the name of the school and its location, the number of students, the rank of the student applicant in the graduating class, and other relevant information; and
(d) After taking the entrance examination in the chosen SUC, the student has obtained a rating which has been designated by the SUC as the minimum rating for a student to be able to qualify for the scholarship program.”
Sang-ayon sa mga nabanggit, para makapag-apply ng scholarship sa mga SUCs ang isang mag-aaral na kabilang sa “Top Ten” ng graduating class, kinakailangan lamang na nakapagtapos siya ng high school dalawang taon bago ang academic year na kanyang papasukan, masunod ang mga requirements ng SUC kung saan niya gustong mag-aral, at magsumite siya ng certification na naglalaman ng pangalan at lokasyon ng kanyang paaralan at ang aktwal niyang ranggo sa paaralan. Ang nasabing certification ay magmumula sa school principal o administrator. Higit sa lahat, kailangan niyang maipasa ang eksaminasyon sa SUC na gusto niyang pasukan.
Ang isang public high school na mayroong mahigit sa 500 estudyanteng magtatapos ay mabibigyan ng isang karagdagang slot sa mga SUCs para sa bawat 500 graduates. Ang mga karagdagang slots ay ibibigay sa mga graduates na ang ranggo ay kasunod ng mga top ten students matapos maging kuwalipikado sa pamantayan ng SUCs para sa mga freshmen.
Sakop ng scholarship grant ang buong halaga ng tuition at iba pang school fees para sa mga unang taon sa kolehiyo. Sa mga susunod na taon, ang mag-aaral na may benepisyo mula sa Iskolar ng Bayan Program ay isasailalim sa karaniwang student assistance at scholarship programs ng Commission on Higher Education (CHED) kung kuwalipikado ang nasabing mag-aaral sang-ayon sa pamantayan at patakaran ng CHED.





Comments