Karapatan ng online shoppers
- BULGAR
- Nov 20, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 20, 2022
Sa panahon ngayon, kung saan ang teknolohiyang digital ay umaangat at ang pagkakaroon ng internet access ay hindi na lamang sa mga opisina, kung hindi pati na rin sa mga kabahayan at sa mga mobile phones. Sa nakalipas na dalawang taon ay nagkaroon ng movement restrictions dahil sa mga quarantine order na ipinatupad dahil sa COVID-19 pandemic. Dahil dito, nauso ang pagbili ng mamimili ng iba’t ibang uri ng pangangailangan sa pamamagitan ng internet. Kaya naman, ang internet ay nagbigay-oportunidad sa mga negosyante upang makapagnegosyo sa online gamit ang computer.
Sa ngayon ay wala pang batas na tuwirang nagbibigay-proteksyon sa mga mamimili at nagbebenta sa pamamagitan ng internet, subalit mayroong naihain na panukalang batas sa Kongreso na may layuning magbigay-proteksyon sa mamimili at nagbebenta sa pamamagitan ng internet. Sa kawalan ng tuwirang batas na nagbibigay-proteksyon sa mamimili, maaaring gamitin ng mga online buyers ang karapatang nakasaad sa Republic Act (R.A.) No. 7394 o mas kilala sa titulong “The Philippine Consumer Act of the Philippines” at ng mga probisyon ng New Civil Code of the Philippines para sa mamimili at nagbebenta.
Ang mamimili ay taong bumili, bumibili, bibili o tatanggap ng mga produkto. Ang mga produktong ito ay pangunahing pangangailangang personal, pampamilya o pambahay. Halimbawa ay pagkain, gamot o cosmetics.
Karapatan ng bawat mamimili na ang produktong kanyang binibili ay may tamang specifications at presyo para malaman kung kanya itong bibilhin o hindi. Ang presyo na nakalagay sa produkto ay siyang dapat halaga nito. Bukod sa karapatang malaman ang tamang presyo at kalidad ng produkto, kailangan din na maprotektahan ang mamimili laban sa pandaraya tungkol sa totoong kalidad nito.
Kapag ang mamimili ay bumili ng produkto, maliban sa pagkain, gamot o cosmetics ng dahil sa maling anunsyo sa radyo, telebisyon o print media o dahil sa maling garantiya, siya ay may karapatang ibalik ang produkto at hingin na mapalitan ito ng parehong produkto na umaayon sa specifications nito at alinsunod sa mga sukatan na isinasaad ng batas. Kung wala namang produktong tulad nito ay maaari ring hilingin ng mamimili mula sa nagbenta na ibalik nito ang kanyang ibinayad.
Sa mga depektibong produkto, maaaring maitama ang mga ito sa loob ng 30-araw. Ang 30-araw ay maaaring babaan o dagdagan, subalit hindi ito dapat mas mababa sa pitong araw o mas matagal sa 180-araw. Kapag ang nasabing depekto ay hindi na maitama, maaaring humingi ang mamimili ng parehong produkto na walang depekto. Maaari ring bawiin na lamang niya ang kanyang naibayad o humingi ng kaukulang diskwento sa presyong naibayad na. (Article 100, R.A. 7394)
Anumang paglabag sa mga probisyon ng nasabing batas, ang mamimili ay may karapatang magsampa ng reklamo para humingi ng danyos. Ayon sa Artikulo 169 ng R.A. No. 7394, mayroon lamang dalawang taon ang mamimili para magsampa ng kanyang reklamo.




Comments