Karapatan ng mga youthful offender sa ilalim ng ‘Juvenile Justice and Welfare Act of 2006’
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 4, 2024
Ang isang “child in conflict with the law” (CICL) ay may mga karapatan sa ilalim ng batas katulad ng mga sumusunod:
Karapatang hindi sumailalim sa pananakit o ng iba pang uri ng malupit na pagtrato at pagpaparusa;
Karapatang hindi magawaran ng parusang habang buhay na pagkabilanggo at walang posibilidad na mapalaya;
Karapatang hindi makulong. Hangga’t maaari ang pagkukulong sa isang CICL ang isa sana sa mga pinakahuling hakbang na gagawin ng mga kinauukulan;
Karapatan sa makataong pagtrato at mabigyan ng paggalang na ibinibigay sa bawat tao ayon sa kanyang pangangailangan at edad;
Kung ang CICL ay nakulong, may karapatan itong maihiwalay mula sa kulungan ng mga presong nasa hustong gulang;
Sa pagpunta ng isang CICL sa pagdinig ng kanyang kaso, may karapatan itong mabigyan ng hiwalay na antayan mula sa mga presong nasa hustong gulang;
Karapatang mapanatiling may komunikasyon sa kanyang mga magulang at kamag-anak maliban sa mga pagkakataong hindi maiiwasan;
Karapatang mabigyan ng agarang tulong legal at karapatang kuwestiyunin ang legalidad ng kanyang pagkakakulong;
Karapatang makapagpiyansa habang dinidinig ang kanyang kaso;
Karapatang makapagtestigo para sa kanyang sarili sa ilalim ng mga alituntunin para sa isang batang testigo;
Karapatang mapanatiling pribado ang bawat hakbang ng paglilitis ng kanyang kaso;
Karapatan sa isang diversion program kung ito ay kuwalipikado at kanya itong nanaisin. Ang diversion ay isang alternatibong proseso ng pagsusuri ng responsibilidad at pagtrato sa isang CICL ayon sa kanyang sosyal o kultural na karanasan, antas ng kanyang buhay, at pinag-aralan na walang pagdulog sa proseso ng husgado;
Sa ilalim ng restorative justice, ang isang CICL ay may karapatang mapatawan ng hatol sang-ayon sa bigat ng nagawang pagkakasala. Sa pagpataw ng hatol, ang interes ng CICL, ng biktima, at ng pangangailangan ng pamayanan ay dapat na bigyang konsiderasyon ng husgado;
Kung ang katumbas na parusa sa pagkakasala ng isang CICL ay pagkakulong o pagbayad ng multa at ang pagpataw ng parusa ay nasa pagpapasya ng hukom, ang kaparusahang pagbabayad ng multa ang mas higit na dapat piliin na maigawad sa nasabing CICL;
Karapatang ipagpaliban ang paggawad ng hatol; at
Kung maipapairal, karapatang mabigyan ng probation bilang panghalili sa pagkakakulong.





Comments