Karapatan ng mga katutubo
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 11, 2022
SA ating Saligang Batas, malinaw na nakasaad ang mga sumusunod, partikular sa Artikulo II, Seksyon 11 at 22:
“Seksyon 11: Pinahahalagahan ng Estado ang karangalan ng bawat tao at ginagarantyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang pantao.
Seksyon 22. Kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pag-unlad.”
Sa mga nabanggit na probisyon ay makikita na binibigyan ng estado ng halaga ang kasaysayan at karapatan ang mga katutubong Pilipino. Ang mga katutubong Pilipino ay may sariling tatak sa kasaysayan ng Pilipinas, kaya naman sa pag-ayos ng gusot sa kanilang lugar at sa anumang usapin tungkol sa lupa, sila ay binibigyan ng karapatan na resolbahin ito sa ilalim ng kaugalian at kostumbre ng lugar kung saan matatagpuan ang lupang suheto ng gusot. Kapag walang kaugaliang angkop sa sigalot, doon lamang ito maaaring isailalim sa pag-aayos (amicable settlement) o iakyat sa husgado.
Ang halaga nila sa kasaysayan ay binibigyang-pansin ng estado at pamahalaan kung kaya’t bilang kabahagi ng kasaysayan ng Pilipinas, ang mga katutubong Pilipino ay pinagkalooban ng mga karapatan sa ilalim ng Republic Act. No. 8371 na mas kilala sa titulong Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o IPRA Law, tulad ng mga sumusunod.
Karapatang mag-angkin o magmay-ari ng ari-ariang mana mula sa kanilang mga ninuno (ancestral lands). Kaakibat ng karapatang ito ay ang karapatang pagyamanin ang kanilang lupain at manatiling nakatira rito. Sa pagkakataong sila ay paalisin sa nasabing lupain, sila ay may karapatang mabigyan ng malilipatang lugar;
Karapatang mabigyan ng importansya ang kanilang mga tradisyon na may kinalaman sa usapin at relasyon tungkol sa mga ari-arian;
Karapatang panatilihin, pag-ibayuhin at pagyamanin ang kanilang kultura, tradisyon at institusyon;
Karapatang mapangalagaan ang kanilang karapatang-pantao ng walang diskriminasyon;
Karapatang pamunuan ang kanilang sarili (self-governance);
Karapatang gamitin ang kanilang kultura at tanggap na tradisyon sa pagsasaayos ng kanilang suliranin at gusot upang makamtan ang hinihinging hustisya;
Karapatang magdesisyon kung ano ang kanilang gagawin para pangalagaan at pagyamanin ang kanilang sarili, paniniwala, espiritwal na paninindigan at mga lupaing kanilang pag-aari;
Mabigyan ng parehong karapatan, proteksyon at pribilehiyo, tulad ng iba pang miyembro ng lipunan;
Mabigyan ng parehong karapatan sa pagtatrabaho, oportunidad, serbisyo, edukasyon, karapatan at parehong pribilehiyo na tinatamasa ng iba pang miyembro ng lipunan;
Karapatang maprotektahan laban sa anumang diskriminasyon, pagmamalupit at pagpapahirap na may kinalaman sa kanilang trabaho;
Karapatang tumanggi na mapaanib sa Hukbong Sandatahan sa panahon ng giyera;
Karapatang maging malaya laban sa anumang diskriminasyon sa pagkuha at pamamasukan sa trabaho;
Karapatang maisali ang kanilang kultura, tradisyon, kasaysayan at adhikain sa lahat ng uri ng edukasyon, pampublikong impormasyon at palitang pangkultura at edukasyon;
Karapatang panatilihing sagrado at mabigyan ng sapat na proteksyon at paggalang ang kanilang sagradong lugar, maging ang kanilang libingan;
Karapatan laban sa anumang eksplorasyon at paghuhukay sa kanilang lupain nang walang pahintulot ang mga maaapektuhang katutubo; at
Karapatang hindi masakop sa pagbabayad ng buwis at anumang uri ng paniningil ang lahat ng sertipikadong lupain na minana nila mula sa kanilang mga ninuno na maliban lamang sa mga bahagi nito na ginagamit para sa pangmalawakang agrikultura, komersyal na pagtatanim sa gubat, at residential na layunin, at mga bahaging nakatitulo na sa pribadong tao.





Comments