Karapatan ng mga delivery rider
- BULGAR
- Oct 23, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 23, 2022
Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, marami sa ating mga kababayan ang umasa sa mga delivery riders para sa kanilang pangangailangan sa pagkain sa kanilang tahanan at maging sa kanilang mga pinagtatrabahuan. Marami rin sa ating mga kababayan ang gumagamit ng courier services sa kasalukuyan upang maiwasan ang paglabas ng bahay o opisina para lamang maghatid ng kalakal, dokumento o anumang legal na bagay sa kanilang customer, katrabaho, kaanak o kaibigan.
Nang dahil kasama na ang food delivery at courier activities ngayon sa ating new normal, inisyu ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Labor Advisory No. 14 Series of 2021 na tumutukoy sa "Working Conditions of Delivery Riders in Food Delivery and Courier Activities.”
Sinasaklaw ng labor advisory ang pagbibigay ng proteksyon para sa mga delivery riders sa food delivery at courier activities gamit ang digital platform. Ayon sa nasabing advisory, ang digital platform company ay tumutukoy sa tao o kompanya na nagmamay-ari o namamahala ng digital na pamamaraan, gamit ang lokasyon, ng paglalaan ng trabaho sa mga indibidwal sa tukoy na lugar para sa food delivery at courier activities.
Ayon sa nabanggit na labor advisory, ang batayan kung paano matutukoy kung ano ang relasyon ng delivery riders sa mga digital platform companies ay sa pamamagitan ng paggamit ng “primacy of facts” test. Ang prinsipyong ito ay kinakailangang ayon sa mga panuntunan, tulad ng mga sumusunod:
1. Four-fold test
Ito ay tumutukoy sa 1) pagpili at pagkuha ng empleyado; 2) pagbabayad ng sahod; 3) kapangyarihang magdisiplina at 4) kapangyarihang ikontrol hindi lamang ang resulta ng pagtatrabaho kung hindi pati na rin kung paano ito isasagawa.
2. Economic Reality Test
Tinitingnan nito ang kabuuan ng pang-ekonomiyang aktibidad upang matukoy ang relasyon ng may-ari o kompanya at ng nagtatrabaho. Kabilang sa mga titingnan ang: 1) saklaw ng kabuuan ng serbisyong isinasagawa bilang kinakailangang bahagi ng negosyo ng may-ari o kompanya; 2) saklaw ng kabuuan ng puhunan o ambag ng nagtatrabaho para sa mga gamit at pasilidad; 3) ang likas at antas ng kontrol ng employer; 4) ang oportunidad ng nagtatrabaho na kumita o malugi; 5) ang halaga ng husay, inisyatiba, pagpapasya, at pag-iingat na kinakailangan para sa pagtatagumpay ng negosyo; 6) pananatili at tagal ng relasyon ng nagtatrabaho at ng may-ari o kompanya; at 7) antas ng pagiging dependent ng empleyado sa kanyang employer para sa kanyang patuloy na pagtatrabaho sa parehong linya ng negosyo.
3. Independent Contractor Test
Ang mga nagtatrabaho ay itinuturing na independent contractor dahil sa kakaiba nilang kakayahan at talento, at kawalan ng kontrol sa kung papaano nila isasagawa ang kanilang pagtatrabaho at pamamaraan upang gawin ito.
Ang mga delivery riders na itinuturing na empleyado ay mayroong karapatang magkaroon ng tiyak na panunungkulan (security of tenure), mag-organisa at makipag-usap ukol sa kanilang pamamasukan (collective bargaining). Sila rin ay may karapatan sa mga sumusunod na benepisyo:
Minimum wage;
Holiday pay;
Premium pay;
Overtime pay;
Night shift differential;
Service Incentive Leave;
Thirteenth-month pay;
Separation pay;
Retirement pay;
Occupational safety and health standards;
Social benefits e.g. SSS, Philhealth, Pag-IBIG; and
Other benefits sa ilalim ng mga kasalukuyang batas.
Para naman sa mga delivery riders na itinuturing na independent contractor o tinatawag na freelancer, ang mga termino at kondisyon ng kanilang kasunduan ay nasasakop ng kanilang kontrata sa digital platform company. Gayunman, itinatakda ng nabanggit na labor advisory, na dapat kasama sa mga napagkasunduan ang mga sumusunod na probisyon:
Pagbabayad nang patas na kabayaran para sa pagtatrabaho na hindi bababa sa minimum wage;
Pag-aayos ng pagrehistro at pagsama sa saklaw ng SSS, Philhealth, at Pag-IBIG;
Pagsunod sa occupational safety at health standards katulad ng paggamit ng personal protective equipment (PPEs) at pagdalo sa mga pagsasanay at seminars sa road and traffic rules at road safety na pangangasiwaan ng digital platform company sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan; at
Pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at negosyante o grupo ng mga ito sa pagtukoy ng mga nakatalagang lugar na hintayan para sa mga delivery riders.
Anumang reklamo o hinaing ng mga delivery riders o ng mga digital platform companies laban sa isa’t isa ay aayusin at reresolbahin sa pamamagitan ng conciliation, mediation, inspection o arbitration alinsunod sa mga kasalukuyang panuntunan at regulasyon.




Comments