top of page

Karapatan ng may utang laban sa pang-aabuso at pambabastos ng credit card companies

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 26, 2021



Ngayong panahon ng pandemya kung saan marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng hanapbuhay o nalugi sa kanilang kabuhayan, ang paggamit ng credit card upang makabayad ng mga pangunahing bayarin at kailangan sa bahay ang naging pansamantalang panlunas sa mga nasabing obligasyon at pangangailangan.


Ang paggamit ng credit card ay mainam kung ito ay ginagamit nang may responsibilidad. Nagagamit ito sa panahong mayroong kailangang bilhin subalit wala pang sapat na salapi para rito. Nalalaman ng gumagamit nito na may mga nakapatong na interes sa mga hindi nabayarang pagkakautang. Bilang nagpapautang, ang mga credit card companies ay mayroong karapatan na maningil sa mga nangutang gamit ang credit card na kanilang ipinagkaloob sa kanilang kliyente. Mayroon din silang karapatang ibigay ang paniningil sa mga collection companies para maningil ng kanilang pautang kapag ang nasabing pagkakautang ay kinakailangan nang mabayaran. Ito ay sa mga pagkakataong ang obligasyon ng nangutang na magbayad ay umabot na sa takdang araw at hindi pa rin ito nakababayad ng kanyang pagkakautang.


Subalit ang karapatang maningil ng mga credit card companies ay hindi dapat na maging dahilan para guluhin ang buhay ng nangutang. May mga karapatan din ang nangungutang na mabigyan ng proteksiyon laban sa mga pang-aabuso at pambabastos ng mga naatasang maningil. May mga paraan na maayos upang makapaningil ng pautang ang mga credit card companies. Ipinagbabawal ng batas ang paggamit ng mga hindi makatarungang paniningil, tulad ng paggamit ng mga mapang-insultong mga salita.


Mayroong regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas kung saan binigyan ng klasipikasyon bilang Unfair Collection Practices ang mga sumusunod na gawain:


(a) Use or threat of violence or other criminal means to harm a person, his reputation or property;


b) Use of obscenities, insults, or profane language which amount to a criminal act or offense;

(c) Disclosure of the names of credit cardholders who allegedly refuse to pay debts, unless authorized by law;


(d) Threat to take any action that cannot legally be taken;


e) Purposely communicating or threatening to communicate false credit information;


(f) Any false representation or deceptive means to collect any debt or to obtain information concerning a cardholder; and


(g) Making contact at unreasonable/inconvenient hours before 6:00 A.M. or after 10:00 P.M., unless the account is past due for more than sixty (60) days, it is with express permission, or said times are the only reasonable or convenient opportunities for contact (Subsecs. 4301N.14, Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institution as amended by Circular No. 454, s. 2004, issued 9-24-2004).


Sa mga nakasaad sa itaas ay makikita natin na kahit ang taong mayroong pagkakautang ay marapat din namang mabigyan ng kaukulang respeto sa pagkakataong siya ay sisingilin na sa kanyang obligasyon. Kapag mayroong paglabag sa mga nabanggit na regulasyon ay maaaring dumulog ang may pagkakautang sa Bangko Sentral ng Pilipinas para sa kaukulang tulong.


Subalit, kahit mayroong ganitong uri ng panuntunan ang Bangko Sentral, marapat isipin ng nangungutang na siya ay mayroong obligasyon na bayaran ang kanyang mga pagkakautang. Kung mayroong dahilan at hindi niya ito mabayaran ay maaari siyang makipag-ugnayan sa institusyon na kanyang pinagkakautangan at makipag-usap kung papaano niya mababayaran ang kanyang pagkakautang sa paraang kanyang kakayanin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page