Karapatan ng may kasong administratibo
- BULGAR
- May 14, 2023
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 14, 2023
Ang isang empleyado o opisyal na may kasong administratibo ay marapat na mabigyan ng kanyang oras para maipaliwanag ang kanyang sarili at mailatag ang kanyang mga depensa kaugnay ng mga paratang laban sa kanya. Kailangang tandaan na kung mapatutunayan na nagkaroon ng paglabag sa mga batas o patakaraan, mayroon itong kaakibat na kaparusahan at malimit na ang katumbas na kaparusahan sa isang kasong administratibo ay ang suspensyon sa trabaho o tuluyang pagkatanggal sa trabaho. Kaya naman kinakailangang mabigyan ang empleyado o opisyal na kinakasuhan ng isang patas na pagdinig.
Ito ay sang-ayon na rin sa probisyon ng ating Saligang Batas patungkol sa Lipon ng mga Karapatan na nagsasaad na, “No person shall be deprived of life, liberty or property without due process of law.” Maituturing na ang trabaho ng isang tao ang nagbibigay sa kanya ng buhay, sapagkat ay kanyang kinikita sa trabaho ang kanyang ginagamit upang matugunan ang mga pangunahin niyang pangangailangan, at pati na rin ng kanyang pamilya o mga taong umaasa sa kanya. Ang nakaambang pagkawala ng trabaho ay maaaring maging sanhi ng pagkawala ng kanyang kakayahan para tugunan ang mga pangangailangan niya at mga taong umaasa sa kanya.
Kaugnay nito, ang isang taong nasampahan ng isang kasong administratibo ay binibigyan ng mga karapatan, katulad ng mga sumusunod:
1. Karapatang mabigyan ng due process;
Sa kaso ng Ang Tibay vs. Court of Industrial Relations (69 Phils. 635), inilatag ng Korte Suprema ang mga rikisitos ng procedural due process para sa kasong administratibo. Sang-ayon sa nasabing desisyon, ang mga sumusunod ang mga rikisitos ng procedural due process.
a. Karapatang mapakinggan. Kasama rito ang karapatang magprisinta ng ebidensya para patunayan ang kanyang mga alegasyon;
b. Isang patas na husgado kung saan susuriin nito ang mga ebidensyang ihahain;
c. Anumang desisyon ay dapat suportado ng ebidensya na iprinisinta sa pagdinig o bahagi ng record ng kaso;
d. Isang husgado na kumikilos sa pamamagitan ng kanyang sarili at independenteng pagsusuri ng mga katotohanan sa isang usapin at sa angkop na batas patungkol dito;
e. Kailangan din na ang husgado na magbibigay ng desisyon sa isang kasong administratibo ay maipaliwanag sa magkabilang panig ang mga isyu o usapin at ang kanyang rason sa kanyang desisyon.
2. Karapatan sa isang patas na pagdinig.
3. Karapatan na mabigyan ng paalaala sa kinahinatnan ng kasong administratibong naihain laban sa kanya.
Kasama sa tinatawag na due process ang pagbibigay-alam sa nasampahan ng kasong administratibo kung anuman ang naging kinahinatnan ng pagdinig na isinagawa laban sa kanya upang maisagawa niya ang kaukulang legal na hakbangin kung ang resulta ng pagdinig ay hindi naging pabor sa kanya.




Comments