Karapatan ng customer sa mga restoran at fast food chain
- BULGAR
- Oct 30, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 30, 2022
Bahagi na ng buhay ng pamilyang Pilipino ang mamasyal kasama ang kanilang pamilya. Kasama sa pamamasyal ang pagkain sa iba’t ibang restoran o fast food chains. Ang pagkain sa mga restoran, na masarap ang mga inihahain ang isa sa mga bonding moments ng mag-anak, lalo na sa pagtatapos ng linggong pagtatrabaho ng mga magulang. Hinihintay ito ng mga bata sapagkat masaya sila kapag sila ay kumakain sa mga fast food chains. Sa mga shopping malls sa bansa, karaniwang makikita ang mga restoran at fast food chains bilang bahagi ng kanilang mga stalls.
Ang pagkagiliw ng mga Pinoy sa mga pagkain ay likas at hindi maipagkakaila. Kahit saan tumingin ay makikita na may kumakain sa karinderya, fast food chains at iba pang restoran na madaraanan. May mga magasin at pahayagan din na naglilimbag ng iba’t ibang lugar kung saan maaaring pumunta ang mga tao para makakain at makatikim ng iba’t ibang klase ng mga pagkaing Pilipino. Marami ring anunsyo at patalastas sa social media tungkol sa mga lugar, kung saan matatagpuan ang masasarap na pagkain. Sa kabila ng pagkahilig ng mga Pilipino sa pagkain, mahalagang malaman natin kung ano ang ating mga tungkulin at karapatan kapag kumakain sa mga nasabing establisimyento upang mapangalagaan ang ating sarili, lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Dahilan sa ang pagkaing inihahain sa mga restoran ay binabayaran naman sa halagang hinihingi, karapatan ng bawat kumakain sa mga restoran na mabigyan ng pagkaing malasa, presko at malinis. May karapatan din ang bawat kumakain sa mga nasabing establisimyento laban sa panis, nakalalason o peligrosong pagkain na maaaring sumira sa kalusugan ng mga ito. Kapag nangyari na ang fast food chain o restoran ay nagsilbi ng pagkaing peligroso sa kalusugan ng kustomer nito, ito ay dapat managot sa nasabing kustomer sa mga pinsalang kanyang natamo dahilan sa kapabayaan ng nasabing establisimyento. Sang-ayon sa batas, ang may-ari ng naturang establisimyento ay maaaring managot sa anumang kapinsalaan na matatamo ng kustomer dahilan sa kapabayaan ng kanilang empleyado habang nagtatrabaho o nagsisilbi sa kanilang establisimyento.
Inaasahan na ang mga restoran, fast food chains at iba pang kainan ay magsisilbi ng malinis na pagkain. Maging ang kagamitan nito, tulad ng mga kutsara, tinidor, baso at iba pang uri ng kagamitan sa pagkain ay dapat mapanatiling malinis sa lahat ng oras at pagkakataon. Ang mga nagluluto at nagsisilbi ng pagkain ay marapat na malinis at palaging nakasuot ng mga hair nets para walang mahulog na buhok sa mga iniluluto at isinisilbing pagkain.
Sinumang mapatunayang lumabag sa mga nasabing alituntunin ay may karampatang responsibilidad na panagutan ang alinmang naging pinsala sa kanilang kustomer. Bukod pa rito ang karapatan ng napinsalang kustomer na maghain ng kanyang reklamo sa kaukulang ahensya ng gobyerno dahil sa paglabag ng probisyon ng Republic Act No. 7394 (Consumer Act of the Philippines).
Ang mga senior citizens na kumakain sa mga restoran at fast food chains ay may karapatang mabigyan ng 20% diskwento at VAT exemption sa kanilang kinakain. Ito ay base sa batas tungkol sa mga senior citizens ng ating bansa. Kinakailangan lamang na maipakita ang kanilang identification cards sa mga kahera ng nasabing restoran fast food chain para mabigyan ng karampatang diskwento.




Comments