Karamihan sa mga Pinoy, positibo na ang tingin sa krisis
- BULGAR
- Feb 14, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 14, 2021
Una sa lahat, nais nating bumati sa lahat ng maligaya at ligtas na Araw ng mga Puso!
Nawa’y maging makabuluhan ang pagdiriwang natin ng okasyong ito, kahit na tayo ay nasa pandemya. Ipagpatuloy pa rin sana natin ang ating pagsunod sa mga safety at health protocols.
◘◘◘
Nais din nating bumati ng belated Happy Chinese New Year sa ating lahat, lalo na sa ating mga kapatid na Chinese-Filipinos. Patuloy sana tayong magtulungan para sa ating sama-samang pagbangon.
◘◘◘
Isang magandang balita ang resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey na ginawa nitong Nobyembre 2020.
Ayon dito, 69 percent ng ating mga kababayan ang nagsabing lumipas na ang pinakamalalang pagdating sa COVID-19 pandemic.
Tumaas ito mula sa 47 percent na naitala noong Setyembre 2020.
Samantala, 31 percent naman ang nagsabing lalala pa ito, na isang pagbaba naman sa 47 percent na naitala noong Setyembre 2020.
◘◘◘
Bagama’t gumaganda ang pagtingin ng ating mga kababayan pagdating sa krisis na ito, hindi ito rason upang itigil o ibaba ang mga kasalukuyan nating ginagawa upang labanan ang pandemya.
Bagkus, isa itong indicator na dapat pa rin nating ipagpatuloy at paigtingin pa ang pagsisikap nating lahat upang maprotektahan ang ating mga kababayan.
◘◘◘
Isa sa ating magagawa ay ang paglahok sa national COVID-19 vaccination, na sisimulan na ng pamahalaan sa mga susunod na araw.
Himukin din sana natin ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung may mga agam-agam, na magsaliksik at magtanong sa mga eksperto upang maayos na masagot ang kanilang mga katanungan tungkol sa bakuna.
Hindi natin makakamit ang inaasam na “herd immunity” kung hindi tayo lubusang makikilahok sa programang ito, bukod sa maaaring masayang ang mga bakunang bibilhin.
Importante ang herd immunity upang tuluyang makabangon ang ating bansa.
◘◘◘
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments