top of page

Karahasang inabot ng tindero’t tindera sa Parañaque City Task Force, ‘wag dedmahin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2021
  • 2 min read

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | January 28, 2021



Ayon sa Department of Justice, tumaas ng 264.63 percent, o aabot sa mahigit 202,605 na insidente, ang kaso ng online child sex abuse sa bansa noong kasagsagan ng enhanced community quarantine. Anila, nagkaroon ng 279,166 kaso ng online child sex abuse sa bansa mula March 1 hanggang May 24, 2020, kumpara sa 76, 561 kaso sa parehong period noong 2019.


Ayon naman sa report ng Anti-Money Laundering Council, umabot sa P113.1 milyon ang child pornography-related suspicious transactions sa first half ng 2020. Halos doble ito ng P65.8 milyon na naitala noong 2019.


Dahil dito, naghain tayo ng resolusyon sa Senado upang sa lalong madaling panahon ay ma-imbestigahan ang pagiging talamak ng child pornography sa bansa.


☻☻☻


Sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 607, aalamin natin kung ano ba ang kasalukuyang ginagawa ng pamahalaan tungkol sa isyung ito, at kung ano ang plano pang gawin sa hinaharap upang maiwasan ang pananamantala sa kabataan.


Lalo pa’t nabanggit ng AMLC ang posibleng pag-iral ng mga organized crime groups at sindikato na konektado sa talamak na child pornography, nais nating malaman sa mga awtoridad kung ano ang resulta ng kanilang sariling imbestigasyon at law enforcement practices.


Hindi basta umuusbong ang mga sindikato, kaya inaasahan nating may nakalap nang sapat na intel ang mga awtoridad para makapagsampa ng kaso at mabuwag ang mga grupong ito.


☻☻☻


Nitong weekend, marami sa atin ang nagulantang sa karahasang inabot ng manininda mula sa ilang miyembro ng Parañaque City Task Force.


Kasabay ng pagkondena natin sa insidente ay ang pagpapaalala sa law enforcer na unawain ang kalagayan ng ating mga kababayan.


Hindi kailanman dapat maging sagot ang dahas sa pagpapatupad ng batas.


Pakatandaan sana natin na maging ang pinakamahigpit na batas ay nakaangkla pa rin sa kapakanan ng indibidwal at taumbayan.


Sa harap ng matinding hamong dinaranas nating lahat, pag-unawa at pagnanais na makatulong sa kapwa ang dapat gumagabay sa bawat kilos nating mga lingkod-bayan.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page