Kapit sa paracetamol ang mga Pinoy kasi wa’ pang-swab test
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 15, 2022
DUTERTE GOV’T., WA’ PAKI SA MAMAMAYAN, AYAW GUMASTOS PANG-MASS TESTING–Sa panahon ngayon na maraming tinatamaan ng COVID-19, importante ang mass testing dahil sa pamamagitan nito ay maa-isolate agad ang COVID-19 positive upang hindi makahawa ng iba.
Pero ang problema, ayaw ng Duterte gov’t. kasi ayon kay Health Sec. Francisco Duque III ay masyado itong matrabaho at magastos.
Dahil ayaw magsagawa ng mass testing, tila wa’ talagang pakialam ang Duterte sa mamamayan, kumbaga’y bahala na sila sa kani-kanilang buhay, period!
◘◘◘
SAAN NAPUNTA ANG BUDGET PANG-MASS TESTING?–Totoong malaki ang gastos sa mass testing dahil ang presyo ng RT-PCR test ay pumapalo ng P2-K hanggang P5-K, komporme sa kagustuhan ng nagpa-swab test kung kailan niya gustong lumabas ang resulta.
Kung mas maaga ay mahal ang presyo at kung may katagalan naman, halimbawa ay tatlong araw hanggang isang linggo ay mas mura ang presyo.
Bagama’t may kamahalan, kaya ‘yan paglaanan ng pondo ng pamahalaan dahil ang laki ng inutang ng Duterte gov’t. sa mga financial institution sa mundo.
Kaya’t ang tanong: Saan napunta ang mga inutang ng pamahalaan? Malamang, sa bulsa ‘yan ng mga kawatan sa pamahalaan. Buwisit!
◘◘◘
MARAMING BUMIBILI NG PARACETAMOL KASI MARAMING NAGKAKASAKIT–Importante ang swab test sa taong may sintomas ng COVID-19 kasi kapag positibo ito sa COVID-19, nabibigyan ito ng tamang gamot na panlaban sa virus, pero dahil walang pang-mass testing ang pamahalaan, tsambahan na lang ang mga pasyente.
Kaysa nga naman gumastos ng libu-libo sa RT-PCR test, nagpapabili na lang sila ng paracetamol.
Kung susuriin bakit maraming bumibili ngayon ng paracetamol, ibig sabihin niyan ay napakaraming may sakit at hindi nila alam kung sila ay tinatrangkaso lang o may COVID-19 na kasi nga hindi sila nate-test dahil walang pang-mass testing ang pamahalaan, period!





Comments