top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Kapakanan ng komyuter, ‘di dapat masakripisyo sa pagpapatupad ng PUVMP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 20, 2023
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 20, 2023

 

Sa nalalapit na deadline ng pamahalaan sa konsolidasyon ng mga prangkisa ng jeepney sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), pagtuunan natin ng pansin ang pangamba at pangarap ng ating mga komyuter. 


Una sa lahat, nangangamba tayo sa maaari nating kaharapin na pagtaas ng pamasahe sa gitna ng pag-arangkada ng mga modernong pampublikong sasakyan na pinuhunanan ng milyon. Butas na ang bulsa at lubog pa sa utang ang marami nating kababayan at anumang dagdag-pasahe ay dagdag-pasanin. Iyan ang isa sa dahilan kung bakit mas kampante ang ilan nating mananakay sa mga tradisyunal na dyip na walang aircon ngunit abot-kaya ang singil. 


Ikalawa, nag-aalala tayo na mahirapan na naman sa paghanap ng masasakyan sa gitna ng tila masalimuot na change management ng gobyerno sa pagpapatupad ng PUVMP.


Hindi dapat magdusa kundi makinabang ang mga komyuter dito. 


Habang nakikisimpatiya tayo sa ating mga jeepney driver-operator na tuluyan nang malalagay sa alanganin ang kabuhayan sa gitna ng hindi nila nakayanang sistema ng konsolidasyon at pamumuhunan, inaasam natin higit sa lahat ang ikabubuti ng ating mga komyuter. 


Pangarap natin bilang pasahero ang makasakay sa ligtas, maaasahan at napapanahong PUV na mura ang pamasahe. Na kahit mga turista ay dito pipiliing sumakay sapagkat ito ay bago, malinis, dekalidad na ating maipagmamalaki kanino man. 


Pagod na tayo sa mga hindi tamang ugali ng ilang makasariling drayber na hihinto sa gitna ng kalsada para magsakay ng pasahero at para maharangan ang kasunod na PUV sa pagkuha sa mga susunod na nag-aabang. 


Pagod na tayo sa tinitiis nating mabahong usok na ating nalalanghap mula sa tambutso ng mga lumang sasakyan na tila pusit na nagsasabog ng kaitiman sa ating hangin at kapaligiran. 


Kahit wala pa ang PUVMP, kung ipinatupad lang sana noon pa nang tama ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang batas, hindi na dapat nahayaang makapasada noon pa ang hindi na roadworthy na mga PUV sapagkat sa emission test pa lamang ay hindi na ito makakapasa. 


Pangarap natin bilang komyuter ang hindi na gumugol pa ng mahabang oras sa lansangan at mapuyat sa gitna ng trapiko, na makauwi ng maaga sa ating mga tahanan para makapiling ang ating pamilya at mga anak, na hindi magkasakit mula sa polusyon sa hangin, na hindi na makitang maitim at marungis ang ating kapaligiran dahil sa araw-araw na buga ng usok na kumakapit sa ating paligid. Pangarap nating hindi na muling magmistulang kawawa at dugyot sa ating pagkokomyut!

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page