top of page

Kapag walang disiplina sa kalsada, wala ring disiplina sa sarili

  • BULGAR
  • Jul 18, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| July 18, 2021



Sinamahan ko noong Biyernes ang trabahador ng simbahan para bumili ng ilang kakailanganin para sa repair ng simbahan. Papunta pa lamang kami sa hardware nang tinabihan at ginitgit kami ng delivery van. Pilit akong inuunahan habang unti-unting ginigitgit ang sasakyang minamaneho ko papuntang kanan.


Sa inis ko, tinapakan ko rin ang accelerator at nagsimula kaming mag-unahan. Kalauna’y napasabi na lamang ako na, “Ano ang ginagawa mo?” At lalong hinarurot ng drayber ang kanyang sasakyan. Mabuti na lang at natauhan ako. Nahuli ko ang aking sariling nagagalit at nakikipag-unahan at gitgitan din. Bigla na lang akong bumitiw na hiyang-hiya sa aking sarili. “Bakit ko ba pinapatulan ang kaskasero’t gipiterong drayber? At dahil dito, wala na rin akong pinag-iba sa kinaiinisan ko,” tahimik kong naitanong at naisip.


Pagkatapos namin bumili ng mga gamit, umuwi na kami. At nang tatawid kami ng daan, nakita kong parating ang nagmamadaling delivery van. Medyo malayo pa ang van kaya tumuloy ako. Ngunit hindi nagbagal ang van at pinilit pang unahan ako. Dahil nagsimula na akong tumawid bigla na lang siyang nagpreno kaya’t dinig na dinig ang kalabog ng mga kargadang nagbagsakan sa loob ng van.


Bago ako tuluyang tumawid, mahinahon kong sinabihan ang drayber, “Pare, hinay-hinay lang para walang masasaktan.” Biglang sumigaw ang drayber, “Kalbo!” Sa halip na mainis at magalit ako, napatawa na lang ako at tuluyan nang tumawid. Pagkatapos kong matauhan sa aking galit dahil sa unang delivery van na nanggitgit sa akin, humingi ako ng biyaya na huwag nang magalit at maging mahinahon.


Ito na marahil ang bunga ng panalangin na iyon. Sa halip na murahin at gamitan ako ng mga maaanghang na salita, kung bakit katawa-tawa ang salitang ginamit ng drayber bilang tugon sa aking paalalang mag-ingat at maging mahinahon. “Kalbo!” Malakas na sigaw ng nainis dahil nabitin na kaskaserong drayber. Napatawa na lang ako at nagpatuloy magmaneho nang tumatawa.


Ilan sa ating mga kababayan ang kailangang magmaneho araw-araw? Ilan sa mga ito ang naiinis, nagagalit, nawawalang pasensiya at nawawalan din ng galang sa iba dahil sa labis na paglalamangan, unahan, gulangan at madalas-dalas din, bastusan? Sa tagal ko nang nagmamaneho, mula 1976 hanggang ngayon, 45-taon na, nakita ko ang unti-unting pagbulusok ng disiplina at respeto ng mga drayber na Pinoy. Napakasama na nang nangyayari sa mga kalye. Napakadalas nang unahan, gitgitan, gulangan, sigawan, hamunan at bastusan. Dahil sa dami ng mga nagmamaneho sa mga kalye ng National Capital Region (NCR), napakadaling makita kung ano ang mas higit, ang mahusay at magalang na drayber at ang kabaliktaran nito? Napakarami ko nang naranasan na mga drayber na walang-walang disiplina t walang-wala ring modo o paggalang sa dangal ng kapwa drayber.


Makakatulong ang ebanghelyo noong Biyernes sa ating pagninilay. Meron kayang solusyon sa malala at lumalala pang kabastusan, gulangan at kawalan ng respeto at pagpaparaya ng mamamayan sa kapwa mamamayan? Baka ang isang solusyon ay ang konseptong pinagtataluhan ni HesuKristo at ng mga Pariseo. “Nang makita ng mga Pariseo na kumakain ng butil ng trigo ang mga disipulo ni HesuKristo noong panahon ng tag-gutom, mabilis na nagreklamo ang mga pariseo, “Bakit nangingitil ng uhay ng trigo ang iyong mga alagad? At bakit kumain ng butil ng trigo na malinaw na paglabag sa batas? Sumagot si Hesus at ikinuwento nito ang ginawa ni Haring David nang nagugutom ang kanyang mga tauhan. Pinayagan niyang kainin ng mga ito ang alay sa temple na ang mga pari lamang ang puwedeng gumalaw at kumain. At sinabi ni Hesus, “’Habag hindi Hain ang ibig ko.”


Mukhang nawawala at namamatay na ang anumang karanasan at pang-unawa natin sa Sabat. Ang Sabat ay ang pagtigil o pagbagal ng lahat upang muling isentro natin ang ating mga buhay sa Panginoong Diyos. Ito ang ibig sabihin ng Sabat o Araw ng Pagpapahinga. Sa pagtigil o pagbagal ng lahat, ibabalik natin ang pagkilala, paggalang at tamang pagsamba sa Diyos.


Marahil, ang pagkawala ng pang-unawa at karanasan ng Sabat ay ang sanhi o bukal ng lahat ng uri ng pagmamalabis mula sa gitgitan at unahan at insultuhan sa kalye. Kitang-kita ito ngayon sa umiinit at dumadalas na siraan, batikusan at palaparan ng pangalan at mukha bago ang Filing of Candidacy — painit nang painit ang banatan at siraan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page