Kapag sinabi ng LGUs na lumikas, huwag pasaway at sumunod agad
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 26, 2022
KAPAG NAGSABI ANG LGUs NA MAPANGANIB ANG LUGAR, DAPAT LUMIKAS NA AGAD, HUWAG MAGING PASAWAY—Napakalakas ang Bagyong Karding, kaya't panawagan natin sa ating mga kababayan ay mag-ingat.
At panawagan natin sa ating mga kababayan, makinig sa panawagan ng national government at local government units. Kapag sinabing lumikas na at magtungo sa mga evacuation center, agad lumikas na, huwag maging pasaway para hindi mapahamak.
◘◘◘
BAKA MARAMING MAHIHIRAP NA PILIPINO ANG MAG-PASKONG-TUYO—Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin dulot ng patuloy na pagbagsak ng halaga ng peso sa dolyar at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kabilang sa mga sobrang taas na ang presyo ay ang mga panghanda sa noche buena ngayong Kapaskuhan.
Kung hindi makokontrol ng pamahalaan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, asahan nang marami sa mahihirap nating kababayan ang baka mag-Paskong-tuyo.
◘◘◘
HIRIT NA P650-M CONFIDENTIAL FUND NI VP, DEPED SEC. SARA, DAPAT SA MGA LAW ENFORCEMENT AGENCY IBIGAY—Sabi ni Vice-Pres., DepEd Sec. Sara Duterte-Carpio, na ang hinihingi raw niyang P500 million confidential fund para sa tanggapan niyang OVP (Office of the Vice-President) at P150 milyon sa tanggapan niya sa DepEd ay para raw pang-surveillance o paniniktik sa masasamang elemento ng lipunan.
Para sa kaalaman ng publiko, ang pag-surveillance sa masasamang elemento ng lipunan ay trabaho ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at National Intelligence Coordinating Council (NICA), at hindi mandato 'yan ng OVP at DepEd.
Ang pinakamainam na gawin ng mga kongresista, ang pinagsamang P500-M at P150-M, na ang total ay P650-M na hinihingi ni Sara, ibigay bilang dagdag-confidential funds sa mga law enforcement agency kasi sa totoo lang, hindi naman talaga kailangang may confidential funds ang OVP at DepEd.
◘◘◘
KUNG TOTOO ANG SURVEY NG SWS TUNGKOL SA RECORD HIGH RATING NI EX-P-DUTERTE, DAMI NA PALANG ENGOT NA PINOY—Sa survey ng SWS noong June 26 hanggang 29 o sa panahon ng pagtatapos ng termino ni ex-P-Duterte ay nakakuha pa ito ng record high na 81% satisfaction rating mula sa majority Pinoys.
Kung totoo ang survey ng SWS, aba'y lumalabas na ang dami na palang engot na Pinoy kasi mantakin n'yo, higit P12.89 trilyon ang iniwang utang ni ex-P-Duterte sa bansa, na ang utang ay pagdurusahang bayaran ng mga Pilipino, eh, ang majority Pinoys ay bilib pa rin sa ex-President.





Comments