Kanselado ang debate nina P-Digong at Justice Antonio Carpio, ngek!
ni Ka Ambo - @Bistado | May 09, 2021
Hindi na matutuloy ang debate nina P-Digong at Justice Antonio Carpio.
Dyok lang kasi ‘yan, eh, pinatulan.
Na-ek-ek ang kalaban!
◘◘◘
TINANGGIHAN ni Carpio ang prostitute, este ang substitute sa debate.
Gusto niya ‘yung orig!
◘◘◘
BAGO kasi itakda ang debate at maghamunan, dapat espisipiko ang topic o agenda.
Lumilitaw na walang “espesipikong agenda” ang naturang debate.
Meaning, kahit mahistrado si Carpio, hindi siya mulat sa “regulasyon sa debate”.
‘Yan ang dahilan kung bakit, dyok, dyok lang talaga ang eksena!
◘◘◘
TINANGGAP agad ni Carpio ang hamon, gayung walang malinaw kung ano ang ireresolbang isyu.
Naghamon naman si P-Digong nang hindi rin espesipiko ang “isyu”.
At papalit sa orig si Sec. Harry Roque na may sariling “proposition”!
◘◘◘
ANG tatlong sangkot sa debate ay may “kani-kanyang ireresolbang isyu”.
Ibig sabihin, matapos ang hamunan, kani-kanya rin sagot sila sa sari-sarili nilang tanong.
Malinaw na ang “debate” ay propaganda lamang at gimik.
Hindi ‘yan nauunawaan ng ordinaryong tao na nakatanghod lamang!
◘◘◘
SA regulasyon ng debate, bubuo muna ang mga ito ng kani-kanyang kampo—at ang magkabilang panig ay tutukoy at magkakaisa sa “isang malinaw na isyu na karaniwan ay pangungusap na patanong”.
Ibig sabihin, kapag napagkasunduan ang “patanong na pangungusap” ng magkabilang panig ay saka pa lamang maiaayos ang debate nang pormal.
Walang ganyang preparasyon sa naturang debate.
Hindi pa naglalaban, may ikatlong protagonist na agad!
◘◘◘
ANO ba ang isyu na dapat iresolba kaugnay sa West Philippine Sea?
Sino ang may kasalanan sa pag-agaw ng China sa Scarborough Shoal?
Kailangan maging espesipiko at dapat hindi “misleading” ang tanong.
May mga tanong na “agrabiyado agad ang isang panig” at dapat itong linawin.
Kung nang-agaw ang China, ibig sabihin ay naunang nasa kontrol ng Pilipinas ang Scarborough Shoal na panibagong isyu na puwedeng pagdebatehan muna.
Halimbawa, aktuwal bang kontrolado ng Pilipinas ang Panatag Shoal bago naagaw ng China o ito ay “hindi pa aktuwal na nasa ilalim ng control ng Pilipinas”?
◘◘◘
SA mga ulat, nais ni P-Digong na ilatag ang agenda na : May kasalanan ang mga ayudante ni P-Noy kaya’t naagaw ang Panatag Shoal ng China.
Pero, dapat iaayos ito nang patanong: May kasalanan ba ang PNoy administration sa pag-agaw ng China sa Panatag Shoal?
◘◘◘
PERO, nais naman ni Justice Carpio ay ibang tanong ang sagutin: “May kasalanan ba si Carpio sa pag-agaw ng China sa Panatag Shoal?”
Magkaiba ang konteksto ng dalawang agenda kaya’t hindi ito isang klase ng debate, bagkus ay bangayan!
◘◘◘
IBIG sabihin, walang “debate” na matatawag dito, bagkus ay simpleng bangayan lamang.
Ang isyu ay hindi “debate”, bagkus ay “bangayan”.
Mali ang media sa pagbabalita, sapagkat walang hamunan sa debate, bagkus ay mayroon lamang na “hamunan sa bangayan”!
◘◘◘
MAGKAIBA ang “debate” sa “bangayan”.
Kapag debate, hindi talaga puwedeng sumingit si Roque.
Pero, kapag bangayan, malaya si Roque na makisampal — anumang oras na gustuhin niya.
Ang debate ay itinatakda ang lugar at oras.
Sa bangayan, walang oras at kahit saan ay puwede kabila na ang “palengke” kaya’t puwede talaga si Roque!





Comments