top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Kandila at bandila sa Bustillos, Maynila

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 9, 2024
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | June 9, 2024



Fr. Robert Reyes


Bandang Abril ng taong 1982 nang tumanggap ako ng sulat mula kay Jaime Cardinal Sin. Ginawa niya akong katuwang ni Msgr. Marcelino Montemayor, kura paroko ng simbahan ng Our Lady of Loreto sa kalye Bustillos, Manila. 


Mahal na Araw noon, at tumulong ako kay Msgr. Montemayor ng isang linggo at nag-akalang magtatagal ako. Ngunit, pagkaraan ng Linggo ng Pagkabuhay, tumanggap na naman ako ng sulat mula sa Cardinal na inililipat ako sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP, Diliman.


Nagkahati-hati na ang dating napakalaking Archdiocese ng Maynila. Nang mangyari ito bandang 2003, nakadestino ako sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Mula noon hanggang ngayon, nabibilang na ako sa kaparian ng Diocese ng Cubao. 


Kaya noon namin plinano ang misa para sa paglulunsad ng ‘Kandila, Bandila’ sa kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus.


Hindi naman masyadong nagbago ang paligid ng Bustillos. Ang dalawang matatag na haligi ng lugar ay naroroon pa rin. Ito lamang ang lugar na merong kambal na simbahan na kapwa itinayo ng mga Pransiskano noong araw. 


Unang itinayo ng mga Pransiskano ang simbahan ng Our Lady of Loreto (1613).  Pagkaraan ng mahigit 100 taon (1794), itinayo naman ang maliit na kapilya ng Venerable Orden Tercera o ang Ikatlong Order ng mga Pransiskano (mga miyembrong laiko at paring secular). Kalaunan, ang maliit na kapilya ay naging simbahan din na ngayon ay ang kilalang National Shrine of St. Anthony of Padua.


Dito sa makasaysayang sulok ng kalye Bustillos, Sampaloc, Maynila aming idinaos noong Biyernes ang patuloy na paglulunsad ng ‘Kandila at Bandila para sa Kapayapaan at Soberanya’.  


Salamat at pinayagan kami ni Padre Eric Adoviso, kura paroko ng Our Lady of Loreto Parish, na ilunsad sa kanilang parokya ang ‘Kandila at Bandila’ sa misa ng ika-6 ng gabi.


Salamat din kay Padre Bong Lopez, kasama sa team ministry ng parokya sa pagbigay sa akin ng pagkakataong ipaliwanag sa omeliya ang aming adbokasiya para sa kapayapaan at soberanya para sa ating mahal na bansa.


Salamat din sa walang pagod at sawang paglilingkod ng mga kasapi ng Solidarity for Truth and Justice na mahigit nang isang taong kumikilos para sa iba’t ibang mga mahahalagang usapin sa ating bansa. 


Habang ipinagpapatuloy namin ang mabigat na pangangampanya para sa kapayapaan at soberanya, wala pa ring tigil ang panggigipit ng mga barkong Tsina sa West Philippine Sea. Noon lang nakaraang araw, hinarang at hinabol ng mga Chinese Coast Guard ang “speed boat” na galing sa MV Sierra Madre, na may sakay na sundalong may karamdaman. Mabuti at nakaiwas at nakalayo ang mga ito na galing sa MV Sierra Madre, at talagang maling-mali ang ginawang ito ng Tsina. 

Nang sumunod na mga araw, ang mababasang komentaryo sa mga pahayagan ay tungkol sa ginawa ng CCG na “inhumane at barbaric” o ‘di makatao at barbariko. 


Nauna rito, nilusob din ng mga CCG ang mga barkong lulan ng mga marine scientists na pinag-aaralan ang epekto ng paninirang ginawa ng mga Tsino sa ating corals sa Escoda (Sabina) Shoal.


Inililikas ang isang sundalong maysakit at pinag-aaralan ang epekto ng paninira ng mga corals sa ating karagatan. Ang dalawang gawaing ito ay mahalaga at tungkulin ng pamahalaan. Walang karapatan ang sinuman na pigilin ang paglikas ng maysakit tungo sa ospital para gamutin. 


Wala ring karapatan ang sinuman na harangin ang mga siyentipikong pinag-aaralan ang nagiging epekto ng pagsira sa ating karagatan na mahalaga bilang paanakan at pastulan ng mga isda at anumang kayamanang dagat.


Hanggang kailan at saan ba nais dalhin ang hindi makatao at ‘di makatarungang panggigipit na ito ng mga barkong Tsino sa gitna ng ating sariling karagatan?

Hindi gulo, pakikipagkiskisan at lalung-lalo na hindi giyera ang hinahanap ng bansang Pilipinas at ng mga Pilipino. Simple lang ang nais natin. Gusto nating pairalin at palaganapin ang tunay na kapayapaan at igalang at ipagtanggol ng lahat ang ating karagatan, at kilalanin ang ating soberanya.


Kaya’t tuluy-tuloy lang ang pangangampanya ng ‘Kandila at Bandila’. Nawa’y magkaisa sa isip, puso, diwa at pagkilos ang lahat ng mamamayang Pilipino upang makamit natin ang tunay na kapayapaan at ang ating soberanya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page