Kandidato sa pagka-mayor, binaril ng rider, nadale

ni Lolet Abania | March 13, 2022

Isang kandidato sa pagka-alkalde ang nasugatan matapos na barilin ng hindi nakilalang rider sa Calamba, Misamis Occidental ngayong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Police Lieutenant Richmond Itcay, hepe ng Calamba Police Station, ang biktimang si George Matunog, Jr., 55-anyos, isang independent mayoral candidate at residente ng Purok 1, Barangay Southwestern Poblacion ng naturang lalawigan.
Batay sa paunang report ng pulisya, naglalakad pauwi ang biktima na dumalo sa kabubukas pa lang na establisimyento malapit sa kanyang tirahan nang biglang barilin ng hindi nakilalang lalaki na nakasuot ng dilaw na jacket at nakasakay sa motorsiklo.
Tinamaan sa batok ang biktima habang tumagos ang bala sa kanyang pisngi.
Ayon kay Itcay, agad namang dinala si Matunog sa isang ospital sa Ozamiz City kung saan nasa maayos na ang kondisyon nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente habang inaalam na rin ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek.





Comments