Kampeonato sa Aspirants Cup sa Marinero o DLSU, hihirit?
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 24, 2022

Gagawin ng Marinerong Pilipino ang lahat upang mauwi na agad ngayong Miyerkules ang kampeonato ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup kontra sa EcoOil-De La Salle sa Game 2 simula ng 2 p.m. sa Araneta Coliseum. Todo ganado pa rin ang Skippers matapos ang 72-67 tagumpay sa Game 1 noong Linggo subalit alam nila na hindi basta titiklop ang Green Archers.
Sina Juan Gomez de Liano at Jollo Go pa rin ang mananatiling pangunahing sandata para sa Marinero subalit maganda ang ipinakita ng kanilang mga ibang kakampi kaya naabot ang panalo sa Game 1. Umangat sina Adrian Clarence Nocum at Arvin Gamboa at umaasa ang Skippers na may natitira pa silang bala upang tapusin na ang serye.
Sa panig ng EcoOil, nagsumite ng kanilang inaasahan na puntos sina Deschon Winston at Cyrus Austra subalit kinapos sa suporta sa mga kakampi. Malaking bagay para sa Green Archers ang paglaro ni Kevin Quiambao matapos siyang hindi isinama sa Gilas Pilipinas papuntang Lebanon ngayong linggo at tiyak na babawi ang bagito matapos malimitahan sa 9 na puntos lang sa Game 1.
Hindi pa rin nakakalimutan nina Coach Efren “Yong” Garcia at kanyang staff ang mapait na pagkabigo nila sa 2019 Foundation Cup Finals kung saan sinayang nila ang pagkakataon matapos kunin ang Game 1 kontra BRT Sumisip-St. Clare pero sinundan ng magkasunod na talo sa Game 2 at 3 at isuko ang korona. Kung kailangan, ang Game Three ay gaganapin sa Agosto 28 sa Araneta Coliseum muli. Hindi pa natatalo ng dalawang magkasunod ang Green Archers ngayong Aspirants Cup kaya maganda ang kanilang tsansa.
Laro ngayong Miyerkules – Araneta Coliseum 12:00 PM EcoOil-DLSU vs. Marinerong Pilipino





Comments