Kampanya ng local candidates, tiyaking payapa
ni Ryan Sison - @Boses | March 12, 2022
Habang papalapit ang pagsisimula ng kampanya para sa local candidates, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa na ang pulisya.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, nakaalerto rin ang kapulisan sa areas of concerns upang mapanatiling maayos ang kampanya hanggang sa araw ng halalan.
Nagpaalala na rin umano ang pulisya sa mga kandidato na kukuha ng private armed group na umiwas sa anumang gulo dahil hindi magdadalawang-isip ang PNP na gumawa ng mga kinakailangang hakbang.
Nagsagawa na rin aniya sila ng monitoring at surveillance sa mga kandidato na may koneksiyon o nagsasagawa ng mga ilegal para sa kanilang pangangampanya.
Nakatakdang magsimula ang kampanya ng local candidates sa Marso 25.
Sa kabila ng pag-iral ng Alert Level 1 sa Metro Manila at ilang lugar sa bansa, dapat lang matiyak na payapa at maayos ang kampanya, hindi lamang ng mga nasyonal na kandidato kundi maging sa mga tumatakbo sa lokal na posisyon.
‘Yun nga lang, paano matitiyak na nasusunod ang panuntunan sa mga lugar na nasa mas mahigpit na restriksiyon? Sana’y matutukan para iwas-hawahan.
Habang umiiral ang kampanya, tayo naman ay may panawagan sa mga kandidato at tagasuporta. Pakiusap sa lahat, pairalin ang disiplina. Iwasang magpasaway para walang aberya.
Para naman sa kapulisan, ‘wag kalimutan ang maximum tolerance. Tandaan na kayo ang inaasahang magpatupad ng peace and order, kaya plis lang, magbaon kayo ng maraming pasensiya.
Iisa lang naman ang hangad nating lahat — ang maayos at ligtas na halalan. Kaya habang kampanya pa lamang, tiyakin nating may kaayusan ang lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments