Kalsada na ginagawang parking space, perwisyo sa daloy ng trapik!
ni Ryan Sison - @Boses | August 5, 2022
Kung maaaprubahan ang House Bill (HB) 31 o “No parking, no car policy”, ipagbabawal na ang pagbili o pagmamay-ari ng sasakyan kung walang parking space sa mga urban areas, partikular sa Metro Manila.
Sa ilalim ng panukala, gagawing requirement sa mga car buyers sa urban areas na magkaroon ng garahe o parking space bago makabili at magparehistro ng sasakyan upang mabawasan ang pagsisiksikan ng mga sasakyan sa mga tabing kasalda at sidewalks.
Ayon kay dating House Speaker at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ang paggamit ng mga kalsada bilang parking space ang dahilan ng mabigat na daloy ng trapiko sa metropolitan areas.
Bukod sa Metro Manila, tinukoy ang mga urban areas kabilang ang Angeles City, Pampanga; Bacolod City, Negros Occidental; Baguio City, Batangas City, Cagayan de Oro City, Cebu City, Dagupan City, Davao City, Iloilo City, Naga City at Olongapo City.
Kailangang lumagda sa affidavit na may notary public ang may-ari ng sasakyan na nagpapatunay na mayroon itong permanent parking space at ang nasabing affidavit ay ipipresinta sa Land Transportation Office (LTO) sa pagpaparehistro.
Gayunman, ang sinumang mapatunayang nagsinungaling o nameke ng nasabing rekistos ay makakanselahan ng lisensya ng sasakyan at magmumulta ng P50,000 para sa bawat paglabag sa probisyon.
Kung tutuusin, matagal nang problema ang kawalan ng parking space ng ilang car owners.
Ang siste, gagawing garahe ang sidewalk at ang ending, sa kalsada na lang naglalakad ang mga tao at nakakaabala sa daloy ng trapiko.
Siguro nga, napapanahon na ang ganitong batas upang ipaalala sa car owners na responsibilidad nilang matiyak na may permanente silang garahe.
Sa oras na maaprubahan ang panukala, sana’y maipatupad agad dahil dapat nang ibalik sa mga tao at motorista ang kalsada.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments