top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Kalituhan, resulta ng pabagu-bagong hakbang vs. COVID-19

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20, 2020
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 20, 2020



Sa halip magbigayan, nagkainitan ang ilang pasahero ng bus matapos mahuli ng mga awtoridad na hindi nasusunod ang physical distancing sa naturang sasakyan.


Ito ay kasunod ng pag-inspeksiyon ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa mga bus upang masiguro na nasusunod ang isang metrong distansiya sa pampublikong sasakyan.


Nang sukatin ang aktuwal na layo, pinababa ang mga pasahero at para masunod ang itinakdang distansiya, kinailangang magbawas ng sakay ang bus, ngunit hindi naging madali ang pagpili kung sino ang dapat bumaba.


Giit ng isang pasahero, dapat bumaba ang mga huling sumakay dahil sila ang nauna, pero nag-alangan ang iba dahil naghahabol sa oras ng kanilang pagpasok sa trabaho. Ang ending, hindi mapigilang magreklamo ng ilang komyuter.


Inaprubahan kamakailan ang mungkahi na bawasan ang distansiya ng mga pasahero sa Public Utility Vehicle (PUV). Mula sa isang metro, gagawin na lamang 0.75 metro. Matapos ang dalawang linggo, 0.5 metro na lang at 0.3 metro matapos ang susunod na dalawang linggo. Ngunit noong Huwebes, inihayag ng Palasyo na hindi muna ipatutupad ang pagbawas ng distansiya at mananatili sa isang metro ang layo ng mga pasahero.

Matatandaang, inalmahan ng publiko ang pagbawas ng distansiya sa pampublikong sasakyan, na sinundan ng kalituhan sa mga pasahero at tsuper.


Sana’y magsilbing aral ito sa mga kinauukulan na ‘wag basta-basta magpatupad ng kautusan kung babawiin lang din.


Maglaan ng oras para pag-aralan ang bawat hakbang na gagawin dahil may malaki itong epekto sa publiko.


‘Ika nga, lahat tayo ay apektado ng pandemya at marami sa atin ang nangangapa pa rin sa sitwasyon. Bilang mga kinauukulan, ‘wag na sana tayong dumagdag pa sa kalituhan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page