top of page
TALKIES - MAYOR VICO, UMAMING NEVER NAISIP MAG-SHOWBI-IG _vicosotto.jpg

Kalidad ng Miami hindi natapatan ng Cebu sa 3x3

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 14, 2023



Nalunod ang Cebu Chooks sa tindi ng kalidad ng kalaro at maagang nagpaalam sa FIBA3x3 Sukhbaatar Challenger Sabado ng gabi sa National Amusement Park ng Mongolia. Kahit ginanap ang laro sa perya, hindi ito naging masaya at lumuhod ng dalawang beses ang mga Pinoy sa Grupo D sa Miami ng Estados Unidos, 13-22, at Futian ng Tsina, 9-22.


Nakasabay sa Miami sa unang dalawang minuto ang mga Pinoy at lumamang, 6-4, sa likod nina Calvin Payawal at baguhan Isaiah Blanco Hontiveros. Subalit hanggang doon na lang sila at nagsimulang bumanat ang dating NBA gwardiya Jimmer Fredette at 6’9” Kareem Maddox sa pagbangon ng Miami hanggang maagang tapusin ang laro na may 2:48 nalalabi.


Tanging sina Payawal at Hontiveros ang gumana na may tig-anim na puntos habang kay playing coach Chico Lanete ang ika-13 at walang naambag si import Jean Victor Nguidjol. Pinatunayan ng Miami bakit sila din ang bumuo ng Team USA na nakuha ang pilak sa 2023 FIBA3x3 World Cup at nagbuhos ng siyam na puntos si Maddox na sinundan ng pito ni Fredette.


Halos pareho ang kwento kontra Futian at naitabla ng Cebu ang laro ng dalawang beses, 1-1 at 2-2, salamat kay Payawal at bago uminit ang import ng Futian na si 6’5” Dimeo van der Horst na nagsabog ng pitong puntos. Nagtapos si Payawal na may lima, bumawi si Nguidjol at gumawa ng tatlo habang isa ang kay Coach Lanete.


Hihintayin ngayon ng Cebu at sister team Manila Chooks ang FIBA World Tour Cebu Masters sa Setyembre 23 at 24 sa SM Seaside City. Titingnan kung gagawaran sila ng imbitasyon bilang pagiging punong-abala.


Kumpirmado na kalahok na sa Cebu ang Miami, Ub Huishan NE ng Serbia, Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, Vienna ng Austria, Wuxi ng Tsina at Paris ng Pransiya.


Sisikapin naman ng Pasig TNT Triple GIGA na makakuha ng tiket sa pagsabak nila sa Quebec Challenger sa Canada ngayong Agosto 19 at 20.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page