Kalidad ng kandidatong may karapatang maging Pangulo
- BULGAR
- Feb 12, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 12, 2022
Noong Martes, ika-8 ng Pebrero, 2020, binuksan ng mga kandidato sa pagka-Pangulo ang kani-kanilang kampanya.
Ayon kay Leody de Guzman ng Partido Lakas ng Masa, “Unahin ang tao, hindi ang kita.”
Samantalang ani Francisco “Isko” Moreno ng Aksyon Demokratiko, “Pagkaraan ng 39-taon, nasaan na kayo, mga kababayan? Mahirap na laban ito. Ngunit may Diyos. Posible ito.”
Sigaw naman ni Panfilo “Ping” Lacson ng Partido Reforma, “Ang pinakamalaking problema ay ang gobyerno. Ang solusyon ay matinong gobyerno.”
Habang ang pahayag ni Ferdinand “BongBong” Marcos, Jr. ng Partido Federal ng Pilipinas, “Noong una kong ipinahayag na tatakbo ako bilang pangulo, ito ay dahil nais kong pag-isahin ang mga Pilipino.”
Ayon naman kay Manny “Pacman” Pacquiao, independent, “Kapag nawakasan na ang korupsiyon, magkakaroon ng sapat na pondo para tugunan ang pangangailangan ng mahihirap, tulad ng pabahay. Kapag ako ang naging pangulo, ipakikita ko kung paano ipakulong ang malaki o maliit na opisyal ng pamahalaan.” Para naman kay Leni Robredo, “Kailangan natin ang tapat ng pamahalaan at mga opisyal na may prinsipyo sa pagsugpo sa problema ng korupsiyon at kahirapan na siyang dahilan ng mabagal nating pag-unlad bago pa dumating ang pandemya.”
Sa kanilang mga pahayag, sino ang nagsasabi ng totoo? Sino ang handang magsakripisyo para sa taumbayan? Sinong merong higit na kakayahan, karanasan at kahandaang maging pangulo ng Republika? Sino ang handang bumaba upang makipag-usap, makinig at makipagtulungan sa mamamayan sa pag-ahon ng bansa sa kahirapan, karahasan at kawalan ng malinaw na direksiyon at moralidad? Sinu-sino ang nasa likod ng bawat kandidato?
Mahirap sagutin ang mga nabanggit na katanungan nang walang sapat na pananaliksik tungkol sa pagkatao, track-record at iba pa.
Unang-una, hindi natin iboboto ang anak ng dating diktador na patuloy na ikinakalat ang kabaliktaran at kasinungalingan tungkol sa marahas at korup na rehimen ng kanyang ama.
Pangalawa, hindi natin iboboto ang kandidatong dawit sa pagpapapatay sa mga kasapi sa Kuratong Baleleng na pinalabas na “shootout”, samantalang may posas ang mga biktima.
Pangatlo, naranasan na natin ang ambisyosong lundag mula mayor tungo sa pagiging pangulo.
Merong mayor na nais ding lumundag tungo sa pagiging pangulo. Hindi ba’t mas magandang magpahinog pa ng kaunti.
Pang-apat, sanay siyang manalo, kaya’t siya’y kilala hindi lang sa ‘Pinas, kundi sa buong mundo, ngunit hindi sa larangan pulitika, bagkus ay sports.
Panlima, maaari nating ipagkatiwala sa kandidatong ito na galing sa uring manggagawa ang paglutas ng maraming problema hinggil sa larangan ng paggawa at ekonomiya.
Mahaba na rin ang kanyang pakikibaka. Marami na siya isinakripisyo at itinaya.
Pang-anim, higit sa lahat ang kaisa-isang kandidatong walang bahid ng anumang krimen o anomalya at may kakayahang makinig at makipag-usap. Totoong napag-isa ang bansa dahil sa prinsipyo ng paglilingkod batay sa matibay na moralidad at pananampalataya.
Ang eleksiyon ngayon ay hindi karaniwan. Marahil, ito ang huli nating pagkakataon para isalba ang ating lumulubog na bansa. Kailangan natin ang kandidatong hindi lalamunin ng sistemang bulok at puno ng kompromiso. Napatunayan na niya ito sa anim na taong naglingkod siya bilang lingkod-bayan. Hindi nakagugulat kung bakit parami nang parami ang mga taong-simbahan na sumusuporta sa kanya. Malinaw na hindi plamang pulitika at ekonomiya ang problema ng ating bansa, kundi ang pagkaagnas ng mga batayang moral ng lahat ng institusyon.
Nang nagsanib-pwersa sina ex-P-GMA, BBM, ex-P-Erap at P-Duterte, tila nagdilim ang langit.
Ngunit sa gitna ng dilim, masisilayan ang sinag ng liwanag galing sa kandidatong hindi nagsasabing meron siyang liwanag. Magdasal at magsikap tayong hanapin ang kandidatong may sinag ng liwanag, dahil ang kalaban ay nagdadala ng dilim at higit pang kadiliman kung manalo ang hindi nararapat na kandidato.




Comments