top of page
Search
  • BULGAR

Kalbaryo ng mga komyuter, palala nang palala

ni Ryan Sison - @Boses | June 9, 2022


Habulan, siksikan at sobrang singil sa pamasahe.


Ilan lang ‘yan sa mga araw-araw na kinahaharap ng komyuter sa gitna ng pagkaunti ng mga bumabiyaheng pampublikong sasakyan, partikular ang mga jeep.


Ang pagkaunti ng mga nasasakyang jeep ay dahil sa gitna ng mga taas-presyo sa petrolyo, kung saan ang ilang mga tsuper, talagang suko na at naghanap na lang ng ibang pagkakaitaan.


Samantala, inirereklamo ng ilang pasahero ang pahirapang pagsakay dahil kailangang makipaghabulan at makipagsisikan. May mga pagkakataon ding natataga sila sa pasahe dahil hindi na nasusunod ang P9 minimum fare kung saan umaabot sa P13 ang dapat na P9 lamang.


Ang iba naman, umaasa sa ride-hailing apps at pikit-matang nagbabayad nang malaki dahil walang ibang masakyan.


Gayunman, sa ilang lugar, kusa nang nagdaeagdag sa pamasahe ang ilang pasahero bilang tulong sa mga jeepney driver.


Giit ng mga tsuper, hindi naman nila hinihiling ang pagtaas ng pamasahe, basta maibaba lamang ang presyo ng krudo dahil hindi na kinakaya ng kanilang kita na mapatakbo ang mga jeep.


Samantala, matatandaang unang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na malabong maaprubahan ang hiling ng ilang transport groups na taas-singil sa pamasahe.


Sa totoo lang, nakalulungkot dahil imbes na umuusad tayo, tila lalong humihirap ang buhay.


‘Yung tipong, kahit gustung-gusto nating maghanapbuhay para maitaguyod ang mga pangangailangan, ang hirap humanap ng pagkakataon.


Isa nang hadlang ang problema sa transportasyon. Dahil mas maraming balik-trabaho, mas maraming pasahero at biglang kaunti ang mga pumapasadang PUVs.


Ang ending, naiipon ang mga pasahero sa terminal at inaabot nang ilang oras bago makasakay.


Nauunawaan nating ginagawa ng gobyerno ang kanilang makakaya upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo at kabilang na rito ang pagbibigay ng subsidiya sa mga tsuper. Pero sana, may pangmatagalang solusyon pa. Batid nating hindi tayo puwedeng umasa sa ayuda habambuhay.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page